Lumang joke na natanggap ko sa isang text: May magtxtmate na nagdesisyong mag-eyeball. Excited na excited ang dalawa sa gagawing pagkikita sa unang pagkakataon. Nagtext si lalaki: “Hi! xited n me na mkita k. Suot k ng green shirt at me naman red. ktakits tau sa jolibee tondo bukas ng 8pm!” Sagot ng babae: “cge, ktakits. xited n rin me.” Kinabukasan, alas otso ng gabi sa jolibee, dumating ang lalaki na naka-blue na shirt at nakita n’ya ang isang pangit na babaeng naka-green. Nilapitan siya ng babae at nagtanong: “Excuse me, ikaw ba ang katextmate ko?” Sagot si lalaki: “Haller…! Naka-red ba ako? ha?!!” hehe… Anung feeling mo kung ikaw ‘yun? Masakit ang ma-reject! Mas masakit kung ang gumagawa nito ay mga taong kilala mo. Ito mismo ang naranasan ni Hesus nang sinubukan n’yang mangaral sa kanyang bayan. Tandaan natin na si Hesus ay tanyag na bago pa siya mangaral sa kanyang bayang pinanggalingan. Marami na ang humahanga sa kanyang katalinuhan at galing. Kaya’t marahil ay inaasahan niyang mainit din siyang tatanggapin ng kanyang mga kababayan. Ngunit nagkamali siya. Nang marinig siyang mangaral ng kanyang kababayan ay hindi sila makapaniwala sa kanyang katalinuhan. Ang tanong pa nga nila ay: “Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At hindi nila siya tinanggap. Kaya’t malungkot din ang naging sagot ni Hesus sa kanila. “Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon… Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya.” Kung minsan tayo rin ay nahaharap sa ganitong sitwasyon. Mahilig nating ipahiya si Hesus. Sa mga pagkakataong hindi natin pinangangatawanan ang pagiging Kristiyano at kung minsan ay ikinakahiya pa nga natin ito ay ipinapadama natin ang ating hindi pagtanggap sa kanya. Dyahe ba para sa iyo ang mag-antanda ng krus sa jolibee, o kaya naman ay sa loob ng jeep? Nahihiya ka bang pagsabihan ang kaklase mong nandaraya sa exam? O kaya naman ay ang katrabaho mong patulog-tulog sa oras ng trabaho? Nahihiya ka bang yayain ang mga kasama mo sa bahay para magsimba? Mag-isip-isip ka… baka katulad ka rin nila na hindi nakakakilala sa Kanya. Baka isa ka rin na ayaw kumilala sa Kanya bilang Panginoon…
Posted on on July 4th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Gusto mo na bang mamatay? Meganun??? hehe… Walang taong nasa matinong pag-iisip ang magsasabing gusto niyang mamatay! Sa katunayan lahat tayo ay takot sa kamatayan. May isang paring nagpakumpisal. “Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako’y nagkasala.” “Anung nagawa mong kasalanan anak?” tanong ng pari. “Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay.” Sagot ng lalaki. “Bakit mo nagagawa ito anak?” muling tanong ng pari. “Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father… naniniwala ka rin ba sa Diyos?” Pasigaw na tanong ng kriminal. “Naku iho… hindi… minsan lang, pero trip-trip lang yun!” nangangatog na sagot ng pari. hehehe… Wala talagang may gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. “Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay.” Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: “Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.” Bagamat tinubos tayo ni Hesus sa kasalanan ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Para sa mga taong may pananalig ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananalig kung tayo ay nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang pagsunod kay Hesus ay bahagi ng ating pananalig sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Sa dalawang gawaing ito nakasalalay ang ating kaligayahan. Ito ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Tandaan natin ang kasabihang ito: “Our life is a gift from God. How we live our life will be our gift to God!”
Posted on on June 27th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father’s Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: “Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?” Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: “O sige… malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo… pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita… sa labas ka na matutulog!” “Opo itay!” tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. “Naku! Patay! Alas dose pasado na!” Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. “Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?” Sagot ng tatay: “Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak… magbeer muna tayo!” Sabay labas ng bote ng San Mig Light… Mapagdisiplina ngunit may puso… May prinsipyo ngunit maunawain… Makatarungan ngunit may awa! Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang “in-charge” sa lahat ng kanyang ginawa! Kahit ang kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon. Sa kabila nito ang Diyos ay may pusong mapagmahal. Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan. May mga sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang akala natin ay “tinutulugan” Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic… God is in-charge! Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa ating buhay! Sa pagdiriwang ngayon ng “Fathers’ Day”, sana ay makita at maramdaman din natin ang Diyos bilang tatay na dapat nating pagtiwalaan at mahalin. Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Sapagkat ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Happy Fathers’ Day sa inyong lahat!
Posted on on June 20th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Alam n’yo bang ang kape palang may gatas ay mas lalong nakapagpapalakas ng kaba? Totoo!!! Ang kape, walang duda ay nakapagbibigay ng kaba (nakagpapabilis ng pulpitate ng puso!). Ang gatas naman ay pampalakas. Resulta: ang kapeng may gatas ay pampalakas ng kaba! hehe… Ganun pa man, ako ay isang certified coffe addict! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi kapag hindi ako umiinom ng kape. Marami na rin akong kapeng natikman… from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na “kape alamid”. Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa “shit ng Alamid” hehehe! Talagang mapapa… (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! PhP 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! hehehe… sabi ko sa sarili ko… doon na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo… enjoy ka na! Kalimitan ay ginagawa nating kumplikado ang ating buhay. Kung iisipin ay simple lang naman ito tulad ng kape. Parang Diyos… ginagawa natin Siyang kumplikado sa ating isipan. Pilit nating siyang “pinagkakasya” sa ating isipan ngunit hindi naman maari. Pilit natin inuunawa ang kanyang “misteryo” upang sa kahuli-hulihan ay maunawaan nating “puso” at hindi “utak” ang ginagamit upang maintindihan ang Diyos. Ibig sabihin,ang mga taong marunong lang magmahal ang nakakaunawa sa Diyos! Minsan daw ay naglalakad si San Agustin sa tabing dagat. Pilit niyang iniisip kung papaanong nagkaroon ng “Isang Diyos ngunit may tatlong Persona”. Habang siya ay nagmumuni-muni ay nakita niya ang isang batang pabalik-balik na sumasalok ng tubig sa dagat at pilit na pinupuno ang maliit na hukay na kanyang ginawa. “Anong ginagawa mo?” tanong niya sa bata. “Gusto ko pong ilipat ang tubig ng dagat sa butas na ito.” sagot ng bata. “Hindi mo maaring gawin yan, napakalawak ng dagat!” tugon niya. “Ganyan din ang ginagawa mo ngayon. Pilit mong pinagkakasya ang Diyos sa maliit mong isipan!” At biglang naglaho ang bata. Noong si Mother Theresa, ay buhay pa, siya ay naimbitahang magsalita sa harap ng maraming “Theologians”. Isa lang ang sinabi niya sa matatalinong taong iyon na nakikinig sa kanya: “Love Jesus…” “Mahalin ninyo si Jesus!” Tama nga naman sapagkat ang Diyos ay pag-ibig at mauunawan lamang Siya ng mga taong marunong magmahal. Kaya nga ako… kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1… Ang Diyos Ama na sapagkat labis na nagmahal sa akin ay nagbigay ng Kanyang bugtong na Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi ko man S’ya lubos na maintindihan, kung bakit 3 in 1, ay alam ko namang mahal N’ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Nais Niyang Siya’y aking mahalin sa halip na unawain. Ang tanong: “Masasabi ko ba na sa aking buhay ay minahal ko kahit na isang sandali ang Diyos?” Baka naman malimit ko Siyang ipinagpapalit sa mga makamundong bagay tulad ng barkada, trabaho, pera, kagamitan at nagiging “optional” na lamang Siya sa aking buhay! Sa tuwing sisipsip ka ng kape… kape ng starbucks man, alamid cofee, o simpleng Nescafe, dapat ay lagi mong maalaa ang Diyos na 3 in 1 na nagmahal sa iyo ng lubos. Coffee… anybody???
Posted on on June 5th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: “Father, patawarin po ninyo ako; ako’y nagkasala. Nagnakaw po ako… yung biyenan ko minura ko… At Father, mayroon po akong ipagtatapat: may dalawa po akong “kulasisi.” Biglang napaisip ang pari, “What is “kulasisi?” Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: “Kulasisi: noun, a little bird, good for pet.” Sabi ng pari: “Magaling, magaling… dalawa pala ang kulasisi mo. Ibigay mo sa akin ang isa ha?” hehe… Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! Ang unang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: “At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.” Bagamat iba’t ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: “Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito.” Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa’t isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan. Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay. Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.” Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking kapaligiran? Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi “kulasisi”. Ang “kulasisi” ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod… ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa…
Posted on on May 29th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Joke sa isang text: Katutubo 1: Mag-ingat ka s ‘yong babaybayin na daan dahil ito’y mapanganib. Kunin mo itong gamot para sa kagat ng ahas baka sakaling ika’y makagat. Kunin mo itong iang bote ng hamog dahil ito’y nakakatanggal ng uhaw at gutom. Dalhin mo ang balaraw na ito ng ating mga ninuno upang maprotektahan ka laban sa mga mababangis na hayop. Natatandaan mo pa ba ang mga sinabi ko? Katutubo 2: Opo ama… basta, txt2 na lang if ever! Katutubo 1: Ok basta miscol me pag feel mo na lost ka. huh?” Iba na nga talaga ang nagagawa ng makabagong teknolohiya lalo na sa aspeto ng komunikasyon. Kahit, mga tao sa liblib na lugar ay nabibiyayaan na nito. Karaniwan nang makakita ka ng “cell phones” at “computers” kahit sa mga bundok at malalayong isla. Tunay na pinaliliit ng makabagong komunikasyon ang ating mundong ginagalawan. Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit ang siya ring pinili ng Simbahan upang ipagdiwang ang “Linggo ng Komunikasyong Pandaigdig”. Naaakma sapagkat ng si Hesus ay umakyat sa langit, ay iniwang niya sa mga alagad ang utos na: “Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa.” Ang pinaka-epektibo pa ring pamamaraan ng komunikasyon ay ang “pagiging mga totoong saksi ni Kristo!” Sabi sa turo ng Simbahan: “Ang mga tao ngayon ay higit na naniniwala sa mga saksi kaysa mga guro. At kung sakali mang maniwala sila sa mga guro ay sapagkat sila ay mga saksi!” Ang pagiging saksi ay naipapakita sa ating pananalita at pagkilos. Pagpili sa tama at pagtalikod sa masasamang gawain, pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa kasinungalingan, pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba sa halip na manirang puri… Marami tayong maaring gawin upang maipahayag ng makatotohanan ang utos ni Jesus. Gamitin natin ng tama ang mga makabagong paraaan ng komunikasyon upang ikalat ang Mabuting Balita ni Hesus! Kahit simpleng text o maikling e-mail message ay makakatulong upang maipalaganap ang Kaharian ng Diyos… Tayo ngayon ang mga buhay na saksi ni Kristo! Isinagawa ito noong una sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng aral ni Hesus (tinatawag ding tradisyon) sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat. Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy pa rin ang mga ito sa mga makabagong pamamaraan ng pakikipagtalastasan: internet, video broadcast, tv & cable, tele conferencing, etc… Bagama’t makabago, mawawalan ng saysay ang mga ito kung hindi kapani-paniwala ang mga nagpapahayag. Kaya nga’t kasama ng utos ni Hesus ay ang pagiging kanyang mga buhay na saksi!
KAPISTAHAN NI MARIA MAPAG-AMPON NG MGA KRISTIYANOMay 24, 2009 (para sa mga parokya, oratorio, sentro at mga establisyamento napinaparangalan siya bilang Patron)

Mayroong isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong “migrants” na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya’t katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. “HIndi ba sabi ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na hindi natin nalalaman?” Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro: “Sinasarado ko naman po… kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!” hehehe… Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na Birhen. Tunay ngang siya ay “tulong ng mga Kristiyano” o “Help of Christians”. Ang kasaysayan ang ating patunay na si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7, 1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa malamilagrong “Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga “Anti-clericals”. Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya nga’t hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating pananampalataya. Hingin natin ang makapangyarihang pamamagitan (intercession) ni Maria… ang Tulong ng mga Kristiyano!
Posted on on May 23rd, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Ano ba ang pakiramdam ng isang taong walang nagmamahal? Sabi ng isang text na nareceived ko: “ubod ng lungkot… parang aso na walang amo, parang adik na walang damo, parang dinuguan na walang puto, parang zesto na walang straw, parang tinola na walang sabaw, parang babae na walang dalaw, parang bahay na walang ilaw, parang ako na walang ikaw…” hehehe… Kaya siguro bago lisanin ni Jesus ang mundong ito ang kanyang huling habilin ay tungkol sa pag-ibig: “Ito ang iniuutos ko sa inyo: magibigan kayo.” Nakakalungkot lang isipin na mula sa mensaheng ito ay lumitaw ang mahigit 22,000 na magkakaibang relihiyon at sekta na namumuhi at nasusuklam sa isa’t isa! Bakit nagkaganoon? Nagkamali ba si Jesus sa pagpapaliwanag kung ano ang dapat na katangian ng pag-ibig? Malinaw ang mga katagang binitiwan ngayon ni Jesus sa Ebanghelyo. Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba.“Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.” Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Sulat ng isang binata sa kanyang kasintahan: “handa kong suungin ang mapanganib na gubat para lamang sa iyo. Handa kong lakbayin ang pitong bundok at dagat, makamit lamang ang pag-ibig mo. Handa kong sungkitin ang mga bituin sa kalangitan makamit ko lamang ang matamis mong “Oo”… PS. dadalaw ako sa inyo sa Sabado kung hindi uulan!” Ang tunay na sukatan ng pag-ibig ay sakripisyo! Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: “Wala akong pakialam!” Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay. Dapat ang ating pagmamahal ay gayun din. Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Ang sabi nga ni Andrew E: “Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay!” Ito ang ginawa ng Diyos, hinanap niya tayo! Tayo na pangit dahil sa ating mga kasalanan. Sana tayo rin kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal. Kung susundi lamang natin ng tama ang sinabi ni Jesus mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan, ay siguradong mababawasan ang pagkasuklam at pagkagalit sa isa’t isa. Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: “Mag-ibigan kayo!”
Posted on on May 16th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Isang kuwento para sa Mother’s Day: May isang nanay na lubos ang pagmamahal sa kanyang anak na dalaga. Isang gabi, nakita ng nanay ang kanyang anak na subsob ang ulo sa pag-aaral. Halos alas dos na ng madaling araw ay bukas pa rin ang ilaw ng kwarto ng anak sapagkat aninag ito sa ilalim ng pintuan. Kaya’t nagdesisyon siyang kumatok at pangaralan ang anak: “Anak, matulog ka na. Madaling araw na.” Tiningnan siya ng masama ng anak at sinabi: “Nanay, sino ang nag-aaral, ikaw o ako?” “Ikaw…” tulalang sagot ng magulang. “Ako naman pala e! Matulog na kayo!” Paaburidong sagot ng anak. Napahiya ang nanay na bumalik sa kanyang silid. Iyon ang UNANG GABI… Kinabukasan, ginabi ng uwi ang anak. Nagparty sila ng kanyang barkada pagkatapos ng exam. Labis na namang nag-alala ang nanay. Hindi natulog. Hinintay ang anak. Naglabas ng maraming plantsahin at hinarang sa may pintuan ng bahay. Alas dos ng umaga, dumating ang anak. Nagulat siya ng makita ang nanay na nagplaplantsa pa ng damit sa ganung oras. Tinanong ito: “Nanay, ba’t di ka pa natutulog? Umaga na.” Nakasimangot na sagot ng nanay: “Bakit? Sino ba ang namamalantsa ikaw o ako?” “Kayo po” sagot ng anak. “Ganun naman pala eh! Matulog ka na!” Sagot ng nanay na may pagmamalaking nakaganti rin siya. ‘Yon ang IKALAWANG GABI… Kinabukasan, nang ika-apat na gabi… uuups! Alam kong iniisip ninyo? IKATLO PA LANG! Pero sino ba ang nagkukuwento? Ikaw o ako? Kaya making ka na lang! Hehe… Ang mga natatanging ina nga naman… hindi mawawala sa kanila ang “ malapit na pagkakaugnay” sa kanilang mga anak. Nariyan na ang pag-aalala, pagkatakot, pagkainis, pagkagalit kapag nawalay sa kanila ng matagal ang kanilang mga anak. Siguro sapagkat noong bago pa tayo ipanganak ay iisang “ambilical chord” ang nag-uugnaysa atin sa kanila.Kaya nga mayroon din tayong tinatawag na “maternal instinct” na kung saan ay may kakaibang pakiramdam ang nanay kapag nalalagay sa kapahamakan ang kanyang anak.Kung paanong parang hindi mapaghihiwalay ang isang ina sa kanyang anak ay ganito rin ang nais na relasyon ng Diyos sa atin.Sa katunayan ay gumamit pa si Hesus ng mas makahulugang paghahambing, ang ubas at ang kanyang mga sanga.Katulad ng mga sanga ay dapat lagi tayong naka-ugnay kay Hesus, ang puno ng ubas, kung nais nating mamunga. Ang sangang nahihiwalay sa puno ay siguradong mamamatay. Gayun din dapat ang ating mararamdaman kapag nawalay tayo kay Hesus.Gaano ba kahalaga ang Diyos sa aking buhay?Hinahayaan ko bang mahiwalay ang aking sarili sa Diyos sa patuloy kong pamumuhay sa kasalanan?Mabuting pagnilayan natin ito.
Posted on on May 9th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
1 Comment »
Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating tungkol sa Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus.Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa na kahit na sariling buhay ay handa niyang ialay para sa kapakanan nila. Ngunit, ang pagiging mabuting pastol ng Panginoon ay ibinahagi niya sa kanyang mga alagad. Mayroon tayong tinatawag na mga“nakababatang mabuting pastol”. Ito ang mga hinirang ng Panginoon na mangalaga sa kanyang mga “tupa” sa kabila ng kanilang kakulangan at kahinaan. Sila rin ay ating pinararangalan, pinasasalamatan at ipanagdarasal natin sa araw na ito. Mahirap ipalaganap ang paanyaya sa pagiging “nakababatang mabuting pastol” kung hindi muna natin naiintindihan ang ibig sabihin ng “bokasyon”. Ano ba ang ibig sabihin ng bokasyon? Sagot sa aking ng isang bata: “Father ang pinto pag hindi nakasara… bukas yon!” hehehe… Marahil ay nagpapatawa siya ngunit tama ang kanyang sagot. Ang isang pintong bukas ay naghihintay… nag-aanyaya! Ang bokasyon ay ang paghihintay ng Diyos sa kanyang paanyaya sa atin. May pagtawag Siya na dapat nating sagutin. Ang unang pagtawag ng Diyos ay ang tayo ay mabuhay bilang tao (human vocation). Sinasagot natin ito kung nabubuhay tayo ng mabuti at kapag pinagyayaman natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ang ikalawang pagtawag ay ang ating pagiging Kristiyano (Christian vocation). Sinasagot natin ito kapag tayo ay nabubuhay na katulad ni Kristo (Christ-like). Ang resulta ay ang pinakamataas na pagtawag ng Diyos sa atin… ang pagiging banal (Call to Holiness!). Isinasagawa natin ang mga ito sa iba’t ibang estado ng ating buhay bilang may asawa, single o walang asawa, at bilang pari o relihiyoso. Lahat ay daan tungo sa kabanalan. Kapag tinawag ka ng Diyos sa pagpapari o pagmamadre ay huwag kang mag-dalawang isip sapagkat “Masagana ang ani, ngunit kakaunti ang mag-aani. “ Ipagdasal natin na sana ay magpadala ang Panginoon ng maraming magtratrabaho sa bukid. Ang pagiging nakababatang mabuting pastol ay pagtawag din sa ating lahat sapagkat marami sa atin ay mga “tupa” ring pinapastulan… ang magulang sa kanilang mga anak, ang mga anak sa kanilang nakababatang kapatid, ang mga pinuno sa kanilang nasasakupan, ang kabataang lider sa kanyang kapwa kabataan,at marami pang iba. Ipagdasal natin na sana ay maulad tayo sa Mabuting Pastol na laging may malasakit sa kanyang kawan. Sana ang ating bokasyon (pagtawag) ay isang taos-pusong “bukas-yun!”(pagtanggap)…
Posted on on May 2nd, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Nakakita ka na ba ng multo? Naniniwala ka ba na nagpaparamdam sila? Ako hindi kasi hindi pa ako nakakakita… at sana wag na sana silang magparamdam dahil takot ako sa kanila! Hehe… May kuwento tungkol sa dalawang magsiyota na sobra ang pagmamahal sa isa’t isa. Sa katunayan ay nagpalit pa ng sim card ang babae from smart to globe para lang pareho sila ng network ng kanyang bf ng sa gayon ay makagamit sila ng unlitext sa umaga at unlicalls naman sa gabi. Sobrang mahal ng babae ang kanyang cellphone kung kaya’t hiniling niya na kung siya man ay mamatay ay isama ito sa kanyang libingan. Matagal na panahon ang lumipas. Nag-abroad ang lalaki. Nagkaroon ng trahedya, nabundol ng isang sasakyan ang babae na kanyang ikinamatay. Walang kaalam-alam ang kanyang nobyo sa nangyari. Kaya pag-uwi niya ay excited siyang pumunta sa bahay ng kanyang nobya. Mabigat sa kaloobang sinabi ng mga magulang ang nangyari. Hindi makapaniwala ang lalaki. Ang sabi niya: „Wag n’yo na akong biruin, hindi siya patay! Sa katunayan ay kakatext niya lang sa akin ngayon.” Kinilabutan ang mga magulang ng babae lalo na ng biglang tumunog ang cellphone ng lalaki at ng tingnan nila kung sino ang tumatawag at nakita nila ang pangalan ng kanilang anak! Naghanap sila ng espiritista at tinanong kung ano ang ibig sabihin nito. Ito ang kanilang konklusyon: „Globe has the best coverage, wherever you go, their network follows… Ang lakas talaga ng globe… kahit nasaan ka man! Kahit 6 ft. below the ground. Sa lakas ng globe… posible! Kaya’t mag-globe na kayo! Hehehe… Si Hesus, hindi lang nagparamdam pero nagpakita pa sa kanyang mga alagad. Normal lang na matakot ang mga alagad. Baka nga naman multo ang kanilang nakikita at nagpaparamdam lang sa kanila. Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling pag-iisip. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay… nagpakuha siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya’t imposibleng kumain… Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay! Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas … na ang lahat ng nangyari ay naaayon sa plano ng Diyos… maging ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kung minsan ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na’t kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagtatampo at nagagalit! Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: “RELAX… GOD IS IN-CHARGE!” Tama nga naman… Kung naniniwala tayo na buhay si Hesus ay wala dapat tayong katakutan! Siya ang dapat na magdikta sa ating buhay at hindi ang ating sarili. May isang multo na dapat nating katakutan sa aking palagay… ang labis na pagtitiwala sa ating sarili at pagwawalang bahala sa Diyos… Minumulto ka ba nito?
Posted on on April 24th, 2009 in
Religion Tagged spiritual reflection |
No Comments »