MAGPAKATOTOO KA!…Reflection for Sept 25, 2005
"Puro salita… tamang nang satsat… gawin mo na!" Minsang napagalitan ako ng aking leader sa aming grupo noong ako ay high school pa lamang. Totoo nga naman! Kung minsan mas marami tayong nagagawa kung babawasan natin ang salita! Siguro kaya ginawa ng Diyos na may isang bibig at dalawang kamay tayo upang mas lalo tayong gumawa kaysa magsalita! Isipin mo na lang ang mangyayari kung dalawa ang bibig natin! Ay naku! Wala tayong matatapos. Sa Ebanghelyo ngayon, yung anak na nagsabi ng "Ayoko!" ngunit pumunta pa rin sa ubasan ang mas naging kalugod-lugod kaysa sa isang nagsabi ng "opo" ngunit di naman pumunta. Simple lang ang gustong sabihin ng Panginoon sa atin dito… gawin mo ang sinabi mo! Magpakatatotoo ka!!! Marami kasi sa atin ay walang isang salita. Mangangakong magpapakabuti ngunit hanggang promise lang. Nangangakong magbabago ngunit bumabalik sa dating pag-uugali. Aray ku! Tinamaan ako dun! hehehe. Totoo naman di ba? Mabuti na lang mapagpasensiya ang Diyos sa atin. Pero sana wag mong abusuhin ang kanyang kabutihan… MAGPAKATOTOO KA!