MAMATAY KA SA INGGIT!… Reflection for Sept. 18, 2005
Hindi ka ba naiinggit na ang ibang tao ay mas guwapo o mas maganda sa ‘yo? Mas mayaman? Mas talented? Mas maraming kaibigan? Natural ang mainggit dahil kabahagi ito ng pakiramdam ng isang tao ngunit hindi ibig sabihin na tama ito. Ang inggit ay parang anay na kapag pinabayaan natin ay siguradong kakainin ang ating pagkatao at masisira at guguho ang ating pangarap sa buhay. Sa Gospel ngayon, inggit ang namayani sa puso ng mga manggagawa. Marahil masipag sila… nagtrabaho ng buong araw… pinawisan, napagod! Kaw nga naman ang tumayo sa kanilang kinalalagyan tingnan ko lang kung di ka mainggit sa mga kasama nilang nagtrabaho lang ng ilang oras. Pero hindi yun ang isyu… anong sabi ng may ari ng ubasan? "MAMATAY KAYO SA INGGIT!" "Anong magagawa n’yo kung lubos akong mabait at gusto ko silang bigyan ng parehong sahod ng sa inyo?" Oo nga naman… lubos na mabait ang ating Diyos. Ba’t ka maiinggit kung mas matangos ang ilong ng katabi mo, o kaya.. mas maputi s’ya sa yo, mas malakas ang kanyang sex appeal, mas matalino, mas gifted! "Mamatay ka sa inggit!" yan din siguro ang gustong sabihin ng Diyos. Magpasalamat ka nga at meron kang ilong na pango, maitim na balat, tagyawating mukha, etc…etc. Hindi mahalaga kung parang "tinipid" tayo ng Diyos ng ginawa niya tayo. Ang mahalaga, ginagamit natin ang kaunting ibinigay at pinalalago ito… Gwapo ka nga, ang pangit naman ng ugali mo. Matalino ka nga, tamad ka namang mag-aral. Mabuti pa ang isang tabong puno ng tubig kasya isang timbang walang laman… get’s mo? Kaya wag mainggit! Magpasalamat ka sa Kanya!