WALANG UTANG NA LOOB!… Reflection for Oct 2, 2005
"Wala kang utang na loob!" Aray!!! Nasabihan ka na ba ng ganitong mga salita?Masakit! Subukan mo itong sabihin sa kaibigan mo… Para syang sinampal sa magkabilang pisngi! hehehe… Pero ito ang makikita nating tema sa mga pagbasa ngayong linggo: Ang kawalan ng utang na loob ng mga tao sa kabila ng kabutihang loob ng Diyos. Napakabuti ng Diyos sa atin. Araw-araw ay hindi siya nakakalimot magbigay sa atin ng biyaya! Siksik… liglig… nag-uumapaw! Ngunit kung minsan para tayong ubasan na ayaw magbigay ng bunga (1st Reading). Para rin tayong mga manggagawa sa ubasan na sinamantala ang kabutihan ng may-ari at naging makasarili (Gospel)! Mabait ang ating Diyos pero wag nating abusuhin ang Kanyang kabaitan. Wag nating subukan kung hanggang saan ang Kanyang pasensya. Nais ng Diyos na ibigay natin sa Kanya ang nararapat na sa Kanya! Magpakatotoo ka!!! Hindi sapagkat palasimba ka eh good point ka na sa kanya! Nagbunga ba ang pagsisimba mo ngayon? Naging mas mapagmahal ka ba pag-uwi, naging mas maalalahanin ka ba? Mas masipag? Mas matulungin? Mas mapagpatawad…etc.. Kung hindi, may mali sa pagkaKristiyano mo… wag ka na lang magsimba! Wala ka namang bunga! Gets?