PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for November, 2005


MAGHANDA KA! : Reflection for 1st Sunday of Advent: Nov 27, 2005

Naranasan mo na bang "indianin" ka ng kaibigan mo sa isang lakad?  Hintay ka ng hintay. Maraming oras kang nakatayo at nagbibilang ng mga taong bumababa sa jeep.  Halos mamaga na ang mata mo sapagkat ayaw mong ikurap dahil baka dumaan s’ya.  Halos maubos na ang laway mo sa  kalulunok pero wala pa rin ni anino n’ya.  Ano kaya ang mararamdam mo?  Tama ang iniisip mo!  Ang sarap sigurong salubungin ng mag-asawang sampal ang taong iyon!  Pinaghintay ka niya sa wala!

Ang panahon ng adbiyento ay panahon din ng paghihintay.  Ngunit hindi paghihintay sa wala sapagkat ang taong hinihintay ay siguradong darating… 100%! Kaya nga ang sigaw ng mga unang Kristiyano no’ng panahong iyon ay "Maranatha! Come, Lord Jesus!" Sa unang Linggo ng Adbiyento ay pinaaalalahanan tayo ng Panginoon na "maghanda" at di lamang "maghintay".  May malaking pagkakaiba ang dalawa… ang maghintay ay "passive"… nakatunganga! Ang maghanda ay "active"… meron kang gagawin.  At ito ang nais ni Hesus… na mayroon tayong gagawin habang hinihintay natin siya. Huwag tayong tatamad-tamad sa ating pananampalataya!  Wag tayong tutulog-tulog sa ating pagkakristiyano.   Sana huwag nating hayaang maratnan ni Hesus na wala tayong ginagawa sa kanyang pagbalik.  Mabuhay tayo bilang mabubuting Kristiyano na tumutupad sa ating tungkulin at gumagawa ng kabutihan sa kapwa.  Nakakatakot ang marinig sa bibig mismo ni Hesus…"tamad at walang silbing alipin lumayas ka sa aking harapan! Bakit hindi ka handa?"

MAGKAMUKHA TAYO!… Reflection for Nov 20, 2005

Ano ang pakiramdam mo kapag sinabi kong magkamukha tayo?  Siguro
mapapasigaw ka at sasabihin mung: "yukkkk! Father, gorry!!!" hehehe…
E kung sabihin kong kamukha natin ang Diyos?  Siguro ang sasabihin mo
ay…. YES!  Teka, simple logic lang… kung kamukha ko si Kristo at kamukha mo
rin, e di magkamukha tayo! hehehe… pumayag ka na dahil yan ang
totoo… kamukha natin ang Diyos dahil nilikha tayo ayon sa kanyang
larawan! Kaya nga’t taglay natin ang imahe ng Diyos sa ating pagkatao.
Kaya nga’t nasabi ni Hesus sa ebanghelyo… "Whatever you did to the least of my brothers/sisters, you did it to me."
Ibig sabihin ni Hesus dapat ay makita natin siya sa lahat ng tao…
lalo na sa pinakamababa… sa mga nangangailangan… sa mga mahihirap!
Ito ang gagamiting panukat ni Hesus sa atin kung tayo ba ay
karapat-dapat pumasok sa kanyang kaharian.  Tanungin mo ang iyong
sarili: "Ano na bang kabutihan ang nagawa ko para sa aking kapwa?"  "May natulungan na ba akong taong nangagailangan?" Tandaan mo… nasa kanya rin si Kristo!

WISE KA BA?… Reflection for Nov 6, 2005

    Sino ba ang taong wise? Yun bang matalino? Mataas ang
IQ? Laking promil? Maraming alam? Sa Bibliya kapag sinabing “wise” ay
hindi
agad ibig sabihin na henyo! Ang wise na
mga tao sa Bibliya ay kakikitaan ng tatlong katangian: Una, alam niya ang
mga bagay na tunay na mahalaga para sa kanya at buong pagpupursiging pinipili
niya ito
.
Ibig sabihin alam niya ang
kanyang “priorities” sa buhay. Mahalaga ba ang Diyos para sa iyo?  O
baka naman, mas inuuna mo pa ang gusto  mo kaysa gusto "Niya"?
Nagsimba ka ba ngayong Linggo?  Pangalawa, marunong siyang matuto sa mga nakaraang karanasan. Hindi niya uulitin ang isang bagay na alam na
n’yang mali. Marami sa atin ang di na natuto! Mali na nga, ipagpipilitan pa!
Uulitin pa… masamang pag-uugali, masamang barkada, bisyo, etc… Pangatlo, May “foresight”, not
“poorsight”.
Ibig sabihin, marunong
magplano sa buhay. Katulad ng mga “wise
virgins” sa “gospel”, may dalang extrang langis… laging handa! Tingnan mo ang sarili mo… masasabi mo bang
“wise” kang Kristiyano?

SERVANT-LEADER… Reflection for Oct 30, 2005

“Leadership is action… not
position!”

Ito ang nakita ko sa isang
karatula sa isang paaralan. Totoo nga
naman, para saan pa ang pamumuno kung wala namang pagkilos? Ngunit
anong uring pagkilos? Dito nagkakamali ang maraming pinuno. Nakakalula
ang nasa itaas! Nag-iiba ang pananaw mo sa ibaba. Parang ikaw ang
nagmamay-ari ng lahat. Parang ikaw ang tinitingala. Parang ikaw ang
sikat… ikaw ang masusunod!

Mali ang ganitong pag-iisip sabi ni
Kristo sa Ebanghelyo ngayon: “The greatest among you
must be your servants!”
Wow! Bago yun ah! Madaling sabihin, mahirap gawin! Kaya mo bang magpakababa sa iyong katulong?
Sa iyong trabahador? Sa iyong mga
anak? Sa iyong kapwa kamag-aral? Sa iyong mas nakababatang kapatid? Ang hirap
nun ‘tol! Pero ito ang halimbawang
ibinigay ni Jesus. Siya ang natatanging “servant leader!” Ayaw niyang tawaging ama at guro ang mga taong
di karapat-dapat sa ganitong titulo… kapag hindi sila marunong maglingkod! Wala kang karapatang maging pinuno ng klase
kung di ka naglilingkod sa mga kamag-aral mo. Di ka maaring tawaging boss kung
di ka naglilingkod sa mga nasasakupan mo. Di ka maaring tawaging “papa” o “mama” kung di ka naglilingkod sa mga
anak mo…  Gusto mo pang maging leader? Dapat matutuo ka munang maglingkod. Be a servant muna then you will become a
leader!