MAGHANDA KA! : Reflection for 1st Sunday of Advent: Nov 27, 2005
Naranasan mo na bang "indianin" ka ng kaibigan mo sa isang lakad? Hintay ka ng hintay. Maraming oras kang nakatayo at nagbibilang ng mga taong bumababa sa jeep. Halos mamaga na ang mata mo sapagkat ayaw mong ikurap dahil baka dumaan s’ya. Halos maubos na ang laway mo sa kalulunok pero wala pa rin ni anino n’ya. Ano kaya ang mararamdam mo? Tama ang iniisip mo! Ang sarap sigurong salubungin ng mag-asawang sampal ang taong iyon! Pinaghintay ka niya sa wala!
Ang panahon ng adbiyento ay panahon din ng paghihintay. Ngunit hindi paghihintay sa wala sapagkat ang taong hinihintay ay siguradong darating… 100%! Kaya nga ang sigaw ng mga unang Kristiyano no’ng panahong iyon ay "Maranatha! Come, Lord Jesus!" Sa unang Linggo ng Adbiyento ay pinaaalalahanan tayo ng Panginoon na "maghanda" at di lamang "maghintay". May malaking pagkakaiba ang dalawa… ang maghintay ay "passive"… nakatunganga! Ang maghanda ay "active"… meron kang gagawin. At ito ang nais ni Hesus… na mayroon tayong gagawin habang hinihintay natin siya. Huwag tayong tatamad-tamad sa ating pananampalataya! Wag tayong tutulog-tulog sa ating pagkakristiyano. Sana huwag nating hayaang maratnan ni Hesus na wala tayong ginagawa sa kanyang pagbalik. Mabuhay tayo bilang mabubuting Kristiyano na tumutupad sa ating tungkulin at gumagawa ng kabutihan sa kapwa. Nakakatakot ang marinig sa bibig mismo ni Hesus…"tamad at walang silbing alipin lumayas ka sa aking harapan! Bakit hindi ka handa?"