Archive for December, 2005
Apat na araw pa lang pagkatapos ng Pasko… halos wala na akong marinig na "Christmas Carols" sa radio. Wala na ring Christmas advertisements sa TV. Wala na ring lumalapit at bumabati ng "Merry Christmas". Bakit? Dahil naibigay na ba ang mga regalo? Ubos na ang noche buena? Naisuot na ang bagong damit at sapatos…? Nakakalungkot dahil para sa marami ang Pasko ay hanggang Dec. 25 lang. Hanggang handaan lang… hanggang party lang… hanggang regalo lang… Kaya naman pagsapit ng Dec. 26 ay ayaw ng bumangon sa kama… May hang-over pa ng alak, tinatamad, walang gana… tapos na raw kasi ang Pasko. Kung ganito ang naramdaman mo ay hindi mo nakuha ang tunay na diwa ng Pasko. Sana hindi natin kinalimutan ang birthday celebrant noong Pasko. Sana nabati natin siya. Sana isinama natin Siya sa ating pagdiriwang. Sana naisip natin na ang Pasko ay pagdiriwang ng malaking pag-ibig ng Diyos sa tao noong ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang makamit nating mga tao ang kaligtasan. Sana si Kristo ang dahilan ng Pasko mo... sapagkat kung hindi isa na namang Pasko ang sinayang mo… ISANG MAKAHULUGANG PASKO SA INYONG LAHAT!
Posted on on December 28th, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
"Pasko na Sinta ko… hanap-hanap kita!" I spent almost the whole morning in recollection because i knew that my afternoon will be very busy in preparation for tonight’s celebration. Isa lang naman ang topic ng reflection ko… nahanap ko ba si Kristo ngayong Pasko? To be honest… I’m not sure! But one thing is sure… NAHANAP NIYA AKO! Siya ang nakahanap sa kin ngayong Pasko. I was very happy that I made a good confession this morning. Bed rest ang confessor ko, di makahinga ng maluwag… so i need to look for another priest. God found another one for me…. and it was indeed a liberating experience! I think this is the best Christmas gift I can offer to him. Happy birthday Jesus!
Posted on on December 24th, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
"The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! Anuman ang amoy mo… iisa lang ang amoy ng Pasko! Ano ba ang naamoy mo sa paligid mo? Hindi ba’t bakas ang kaligayahan sa mukha ng bawat isa? Maglakad ka sa mall, makikita mo na nakangiti ang mga tao na parang marami silang pera! Pagmasdan mo ang mga ninong at ninang na hirap pagkasyahin ang budget sa dami ng kanilang inaanak ay nakangiti pa rin. Ano ba ang nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa atin sa araw ng Pasko? Ang awit ni Zacharias ay awit ng masayang papuri sa Panginoon. Bakas kay Zacharias ang kaligayahan sapagkat gumawa ang Panginoon ng kahanga-hangang bagay sa kanilang mag-asawa. Nilangap ng Panginoon ang kanilang abang kalagayan at pinagkalooban sila ng anak. Ngunit higit ang kanyang kaligayahan sapagkat dumarating na ang kaliwanagan sa mundong balot ng kadiliman… darating na ang Anak ng Kataas-asan! Lubos ang kanyang kagalakan sapagkat ang Diyos ay naging tapat sa kanyang pangakong kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ang katapatang ito ng Diyos? Nagiging tapat din ba ako sa aking pakikipagtipan sa Kanya lalo na sa pagtupad ng aking mga pangako sa binyag? Ang tunay na kaligayahan ng Pasko ay nasa katapatan ng ating pagsunod sa Kanya!
Posted on on December 23rd, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo? Sabi nila ay may kahulugan daw ang ating mga pangalan. Di ko alam kong totoo… kasi masyado ng worldy o secular ang mga pangalan ngayon. Di tulad ng dati, kinukuha pa sa kalendaryo ang pangalang ibinibigay sa bata ayon sa Patron o santong ipinagdiriwang sa araw ng kapanganakan. Kung ang pangalan mo ay may pagkaluma ang dating halimbawa ay "Candelario" o "Immaculada" ay wag ka ng mabigla… kabilang ka sa mga pangalang sinauna! Sa Bibliya ay iba ang ibig sabihin ng pangalan. Laging kakambal nito ang misyon na iniaatang sa isang tao. Halimbawa ay "Abraham" na ang ibig sabihin ay ama ng maraming lahi. "Pedro" na ang ibig sabihin ay bato. At "Juan" na ang ibig sabihin ay "God is gracious!" … mabait ang Diyos! Ito ang ipinangalan nina Zacarias at Elizabeth sa kanilang anak sapagkat nagpakita ng kabaitan ang Diyos sa kanila ng biniyayaan sila ng anak sa kabila ng kanilang katandaan. Mabait ang Diyos sapagkat naging tapat Siya sa Kanyang pangakong kaligtasan sa tao. Kung ang Diyos ay nagpakita ng kabaitan sa atin…dapat tayo rin sa Kanya. Maging "mabait" tayo sa Diyos. Mabait sa pagtupad sa Kanyang mga utos. Huwag tayong magsawa sa Kanyang kabaitan sapagkat kailanman, sa kabila ng ating pakasuwail na anak, ang Diyos ay patuloy pa ring mabait sa atin. "Good is good… all the time!"
Posted on on December 22nd, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
Sa ingles ang salitang pasasalamat ay "thanksgiving". Kung susuriin natin ay may dalawang salita: hindi lang "thanks"… meron din dapat na "giving". Ito ang kalimitang nakakaligtaan natin, na ang tunay na pasasalamat ay mayroong "pagbibigay". Meron kang ibibigay sa sarili mo bilang pagpapakaita ng iyong pasasalamat. Ganito ang ginawa ni Ana sa unang pagbasa. Ibinigay niya si Samuel sa Panginoon pagkatapos na ipagkaloob ito sa kanya. Hindi madali ang mawalan ng anak lalo pa’t siya’y hiningi niya sa Panginoon. Ito rin ang ginawa ni Maria… ibinigay niya ang kanyang buong sarili at itinalaga ito sa Panginoon pagkatapos niyang tanggapin ang alok na maging ina ng Diyos. Kaya nga’t dapat na isang awit ng papuri ang mamutawi sa kanyang bibig sapagkat gumawa sa kanya ang Panginoon ng mga dakilang bagay. Sana ito rin ang taglayin natin bilang Kristiyano. Isang pusong puno ng pasasalamat ngunit pasasalamat na mayroong ibibigay… ang pagtatalaga ng ating sarili sa Diyos. Totoo na mahirap matularan ang katapatan ni Maria ngunit hindi ito dahilan upang hindi magbigay ng ating sarili sa Diyos… Ihandog natin sa Kanya ang ating kahinaan at karupukan bilang tao at Siya na ang bahala sa atin…
Posted on on December 22nd, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
Kung lalagyan natin ng theme song ang gospel ngayon ay puwede ito: "Malayo man, malapit din pilit pa rin mararating, wag lamang masabi mong…di kita ginigiliw!" Matuwa ka pag di ka makarelate sa kanta, ibig sabihin ay nasa "new generation ka na!" hehehe… Luma na kasi yung kanta. Isa sa mga kantang natutunan ko sa lola ko. Pero maganda yung sinasabi ng lyrics… sa isang taong nagmamahal, walang malayo! Ito ang nangyari sa Mahal na Birhen. Sa laki ng pagmamahal niya sa kanyang pinsang si Elizabeth ay di niya inalintana ang hirap at pagod para lamang mabisita siya. Karinawan na sa atin ang ipagpabukas ang paggawa ng mabuting bagay. Masyadong malakas sa atin ang "manyana habit". Mamya na lang ako tutulong, mamya na lang ako gagawa ng mabuti, mamya na lang ako… Si Maria ay di nag-atubiling tulungan ang kanyang pinsan ng malaman niyang nagdadalantao ito sa pagbalita ng anghel. Sana tayo rin, di nagdadalawang isip kapag paggawa ng kabutihan ang pinag-uusapan. Sabi nga natin: "Kung gusto mo may paraan… kung ayaw mo may dahilan!"
Posted on on December 22nd, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako… Yung dalawa e kay kumpare!" Inatake sa puso ang mister at napaaga ang kanyang kamatayan! May mga sandali at pangyayari tayo sa buhay na mahirap ipaliwanag. Kahit ang mahal na Birhen, bagama’t pinuri ng Panginoon ay nakita ang kanyang sarili sa isang mahirap na sitwasyon. "Nagulumihanan si Maria…" Nagulumihanan siya sapagkat may plano na siya sa buhay… paano niya sasabihin kay Jose na siya ay buntis? Ano na lang ang sasabihin ng mga tao. Sa madaling salita ay naharap si Maria sa isang matinding krisis. Tayo, katulad ni Maria ay dapat matutong magpasaDiyos sa mga hindi magagandang pangyayari sa ating buhay. Ibig sabihin ng pagpapasa-Diyos ay gawin kung ano ang ating maaring gawin upang malutas ang ating suliranin at hayaan na ang Diyos na magpatuloy at tumapos nito. "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Sa ikalimang araw ng Simbang gabi ay sinasabihan tayo ng Panginoon na… kumilos sa ating paghahanda. IpagpasaDiyos ang ating buhay… hanggang sa wakas! Bathala na! Hindi Bahala Na!
Posted on on December 19th, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
Kung ang Diyos ay KAPAMILYA natin… Siya rin ay KAPUSO NATIN! (para walang away!) Kapuso sapagkat Siya’y mabait, mahabagin, mapagkalinga lalo na sa mga taong kapus-palad at sawi. Ito ang ipinakita Niya kay Elizabeth at sa asawa ni Manoa. Dininig Niya ang kanilang mga panalangin at pagsusumamo na pagkalooban ng anak. Inalis ng Diyos ang kanilang nakakahiyang kalagayan na nagiging sanhi upang kadustaan sila ng mga tao. Mula sa pagiging mababa… muli silang itinaas ng Panginoon. May mga pagkakataon na ang pakiramdam natin ay pinababayaan tayo ng Diyos. Madali tayong magtampo sa kanya. Hindi ganito ang ipinakita ng mag-asawang Elizabeth at Zacarias. Nanatili nilang kapuso ang Diyos. Sabi sa ebanghelyo: nabubuhay silang matuwid at masunurin sa mga utos ng Diyos! Kung nais nating makapuso ang Diyos ay dapat din tayong maging masunurin sa Kanya. Ang Diyos ay gagawa ng himala sa ating buhay at walang bagay na imposible na hindi kayang gawin para sa atin… naging KAPUSO Niya tayo noong tayo ay bininyagan… Nangako tayong magiging kapuso Niya sa pamamagitan ng pagtalikod sa kasalanan at pagsampalataya sa Kanya. KAPUSO ka pa rin ba Niya ngayon?
Posted on on December 18th, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
Isang lalaki ang may alagang matatabang baboy. Ito ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kayat ganun na lamang ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga baboy. Minsa’y laking pagkagulat niya ng maratnan niyang matatamlay ang kanyang mga baboy… may sakit sila at unti-unting namamatay. "Panginoon, pagalingin mo ang mga baboy ko… mahal na mahal ko sila." Sa di inanasahang pagkakataon ay sumagot ang Panginoon: "O sige, pagagalingin ko ang mga baboy mo sa isang kundisyon… na bukas pagkagising mo ay makikita mo ang sarili mo sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nila sa pagtulog at pagkain… sa madaling salita: magiging baboy ka rin!" Sabi ng lalaki: "Panginoon, patayin mo na lang ang mga baboy!" Kaya mo bang maging kapamilya ng mga baboy? Ano ka hilo??? Magpapakamatay na lang ako! Bakit hindi mo matanggap na ang isang nilikha ay maaring maging mababang uri ng nilikha? Ito ang mas hindi katanggap-tanggap: Na ang Manlilikha ay maging isang nilikha! Masahol pa sa taong naging baboy! Ngunit ito ang plinano ng Diyos. Ninais Niyang maging KAPAMILYA natin! Sa pagbati ng anghel kay Maria ay inilahad niya ang plano ng Diyos… na nais Niyang maging "Immanuel" - Ang Diyos na sumasaatin! Napakalaking karangalan para sa ‘ting mga tao na piliin Niya upang maging Kanyang pamilya. Paano ko ito pinahahalagahan? Ako ba ay nabubuhay bilang tapat na miyembro ng pamilyang ito? O isa akong suwail at pasaway na anak?
Posted on on December 18th, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »
Eraption time: Isang lalaking naghuhurumentado na may dalang itak ang galit na galit na pumunta sa bahay na mansion ni Erap at sumisigaw: "Lumabas ka d’yan Erap!!! Kapag hindi ka lumabas… uubusin ko ang lahi mo!!!" Buwelta ng ating bida sa lalaking nagwawala: "Ulol! Hindi mo kayang ubusin ang lahi namin… marami kami!" Hehehe… May katwiran nga naman si Erap, sa dami ng kanyang mga naging babae e imposibleng ubusin ang lahi niya. Sa Ebanghelyo ngayon ay narinig rin natin ang madaming listahan ng pangalan ng tala-angkanan o "genealogy" ni Jesus. Madami sapagkat ito ay kumakatawan sa mahabang panahon na paghihintay ng mundo sa pagdating ng Mesias! Nagsimula si Mateo kay Abraham, hanggang umabot kay Haring David at sa pagkakatapon ng mga Judio sa Babylonia. 42 generations ang lumipas bago umabot sa panahon ni Kristo. Ano ang ipinahihiwatig sa atin ng pagbasang ito? Kung naghikab ka at inantok sa haba ng mga pangalan ay nakuha mo na dapat ag mensahe… "Magpasensiya tayo at magtiyaga sapagkat mayroon tayong Diyos na tapat sa Kanyang pangako." Hindi "drawing" ang Diyos kapag Siya ay nangako. Tayong mga tao ay sana’y na sa mga pangakong napapako… ngunit ibahin natin ang ating Diyos. Tapat Siya sa atin at hinihiling Niya lang ang ating matiyagang paghihintay na may kalakip na malakas na pananampalataya! Kung ang Diyos ay nagtitiyaga sa katigasan ng ating mga ulo hanggang ngayon, dapat tayo rin ay matutong magtiyaga sa ating buhay. May mga bagay ka pa bang hinihiling sa Diyos na hindi Niya pa naibibigay? Give-up ka na ba sa buhay mong walang pagbabago? Sawa ka na ba sa mga problema mong walang kalutasan? Sabi nga sa ingles: "Good things come to those who wait.." We wait with patience coupled with faith because we have a God who is faithful!
Posted on on December 16th, 2005 in
Uncategorized |
No Comments »