PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for December, 2005


Gising Na! Simbang Gabi na! : Reflection for 1st Day of Christmas Novena

"Hoy..!" Sigaw ng nanay sa kanyang anak.  "Aba… tayo na! Simbang gabi na! Huli ka na!"  "Ang aga pa eh! Sige nga, bigyan n’yo ko ng dalawang magandang dahilan para bumangon?" Sagot ng anak.  "Lintek na damuhong ito ah!  Una, kwarenta anyos ka na! Pangalawa, IKAW ANG PARING MAGMIMISA!!! Hala.. lakad!" hehehe… hay naku! Pahirapan na naman sa aming mga pari ang gumising ng napakaaga.  Sabagay, hindi puwedeng magsimula ang misa pag wala kami! hehehe…  Sigurado sakripisyo rin ito para sa inyo. Doon sa mga aatend ng anticipated mass sa gabi… mamimiss nila ang kanilang favorite TV show o telenovela.  Doon sa gigising ng maaga sa madaling araw… ang hirap tumayo at ang sarap magstay na lang sa kama lalo na’t malamig.  Ano man sa dalawa ang pupuntahan mo e siguradong may sakripisyo kang gagawin… Ito naman talaga ang kahulugan ng Pasko… may isang Diyos na nagsakripisyo, inako ang ating pagkatao, naghirap, namatay para sa ating kaligtasan. Sakripisyong di matutumbasan ng sinuman sapagkat Diyos ang gumawa nito.  Sa unang araw ng Simbang Gabi, tanungin ang sarili: "Ano pa ba ang maari kong gawing sakripisyo para kay Kristo na kung saan ay mababawasan ang aking pagiging makasarili?" Huwag ding kalimutang gumawa ng kahilingan.  Kumpletuhin mo ang siyam na araw at kung kalooban Niya ibibigay Niya ito sa iyo… "Gising na!!! Simbang gabi na!!!

NASAAN SI KRISTO? : Reflection for 3rd Sunday of Advent, Dec 11, 2005

"Nasaan ang Diyos?" tanong ng teacher sa kanyang mga estudyante. "Mam", sabi ng makulit niyang estudyante, "ang Diyos po ay nasa kubeta namin!"  "Ano?  Bakit mo naman nasabi yon?" sabi ng napabalikwas na teacher.  "Kasi
po, sa twing papasok ng kubeta ang tatay ko at nakasarado ang pinto
lagi niyang sinisigaw:  Diyos ko! Diyos ko! Hanggang ngayon ba nandiyan
ka pa?"
NASAAN BA ANG DIYOS? Ngayong ikatlong Linggo ng
Adbiyento ay pinaalalahan tayong ang Diyos ay dumarating din sa
"misteryosong paraan", sa paraang hindi natin inaasahan… Kaya nga ang
sagot ni Juan Bautista sa mga pariseong nagtatanong sa kanya kung siya
ba ang Mesiyas ay: "…nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala."
Sa gitna ng una at huling pagdating ni Jesus ay ang Kanyang araw-araw
na pagdating sa ating piling.  Marahil di lang natin Siya namamlayan…
Si Jesus ay maaring dumating sa magulang natin na lagi nating sinusuway
at pinagdadabugan.  Si Jesus ay maaarng dumating sa kapatid na di natin
makasundo.  Si Jesus maaaring dumating sa kaaway natin sa trabaho…
etc…etc..  Tinatanggap mo ba ang Kanyang malimit na pagdating?
Darating Siya ngayong Pasko… tanggapin mo.

SA’N KA PINAGLIHI? : Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception, Dec 8, 2005

"Father… wag kang magagalit.  Pinaglihi ka ba sa saging?"  Muntik ko nang batukan ang kaibigan kong yun. hehehe… Sabagay, ang sabi nga nila: kung ano ang pinaglihihan mo, gayon ang magiging itsura mo.  Ang alam ko e hindi ako sa saging ipinalihi ng nanay ko… kay Diomedes Maturan ata! hehehe…  Kapag sobrang maputi sa puto daw ipinalihi.  Kapag maitim sa puto pa rin… na isinawsaw sa dinuguan.  Kapag pandak, kay Mahal daw ipinaglihi.  Kapag masungit, sa sukang maasim.  Kaya nga wag kayong magtataka kung nilalayuan kayo ng mga buntis… me ayaw silang makopya sa inyo! hehehe…  Ngayon ay Kapistahan ng Immaculada Concepcion.  Ipinaglihi si Mariang walang kasalanan.  Ipinaglihi siya sa kalinisan sapagkat pinili siya ng Diyos upang maging luklukan ng  Kanyang bugtong na Anak na si Hesus. Nararapat lang na walang bahid na sala si Maria sapagkat siya ang magsisilbing tabernakulo ng Anak ng Diyos.

Tayo rin, bagama’t nabahiran ng kasalanan, ay hinirang rin ng Diyos sa kalinisan. Noong tayo ay bininyagan, tinanggap natin ang kalinisang ito. Pagsikapan nating mapanatili ang kalinisang ito sa ating buhay. Maging tapat tayo sa ating pangako sa binyag na tatalikuran ang kasalanan at italaga natin ang ating buong sarili sa Diyos.  Saan ka man ipinaglihi ay walang makakatalo sa katotohanang tayong lahat ay ipinaglihi sa imahe ng Diyos… Suwerte mo!

PRANING KA NA BA? : Reflection for 2nd Sunday of Advent: Dec 4, 2005

20 araw na lang… Pasko na!!! Praning ka na ba?  Kung hindi pa e siguradong malapit ka na.  Sa katunayan ay papunta na dun ang iba.  Praning sapagkat wala pa ring perang pambili ng regalo.  Praning sapagkat walang panggimik with d barkada. Praning sapagkat walang bagong damit o sapatos. At marami pang ka-praningang maaring pag-isipan.  Talagang maprapraning ka kung ang Pasko mo ay panlabas lamang na paghahanda at pagdiriwang. Bakit di mo subukang pagtuunan naman ng pansin ang pang-espirituwal mong kapakanan?  Bakit di ka gumawa ng magandang kumpisal ngayong Pasko?  Bakit di ka magpakita ng kawanggawa sa mga taong nangangailangan?  Bakit di ka magpatawad sa taong nakagawa sa ‘yo ng masama?  Bakit di mo ngitian ang taong labis mong kinaiinisan?  Ito ang ibig sabihin ni Propeta Isaias: "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon… Tuwirin ang liku-likong landas…" Marami tayong likong pamumuhay na dapat nating ituwid. Liku-likong pamumuhay na nagsisilbing sagabal upang ang Diyos ay makalapit sa atin.  Likong pamumuhay na nagdudulot ng tunay na pagkapraning sa atin.  Tama na ang kapraningan!  Dinggin natin ang tinig na nagmumula sa ilang…