PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for January, 2006


SALESIANO AKO! : Reflection for the Feast of St. Francis of Sales, Jan 24, 2006

"Father bakit ang mga followers ni St. Francis ang tawag FRANCISCANO, ang mga kay St. Dominic naman DOMINICANO… Bakit kayo… SALESIANO at hindi BOSCONIANO?" tanong sa kin ng isang parokyano.  "Oo nga ano?" napag-isip niya ako. Simple lang ang dahilan, buhay pa si Don Bosco ng itatag niya ang kanyang kongregasyon ng mga pari at brothers. Puedeng ba yung buhay ka pa may estatwa ka na?  Kayabangan yun! hehehe…  Pero di naman namin puedeng hindi banggitin ang pangalan ng aming founder.  Kaya nga ang aming titulo… SDB. Salesians of Don Bosco… o mga SALESIANO NI DON BOSCO!  Bilib kasi si Don Bosco sa pagkatao ni San Fransisco de Sales.  Nakita niya sa kanya ang mga katangiang kinakailangan ng kanyang mga anak… kababaang-loob, kabutihan (kindness), pagtitimpi, kasipagan (zealous)… Kaya kinuha niya si San Francisco de Sales upang maging patron ng kanyang itinayong kongregasyon.  Ipagdasal n’yo kami na maging mabubuting salesiano, tapat sa diwa ni San Francisco at ni Don Bosco.  Sa kabila ng aming kahinaan, mga pagkukulang, pagkakamali masabi pa rin naming… SALESIANO AKO!

NAKAKASAWA? : Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year B, Jan 22, 2006

Tumigil ang ikot ng mundo sa Pilipinas nitong nakaraan Linggo, Jan 22.  Walang nai-report na krimen, karahasan at panggugulo sapagkat lahat… nanood sa laban ni Manny Pacquiao! hehehe… Kahit nga mga NPA nagdeclare ng "tigil-putukan" bilang pakikiisa sa ating bayaning boksingero.  Sana laging may laban si Manny Pacquiao! hehehe…  Masyado na tayong sawa sa bangayan sa pulitika, pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaya nga ang binabalingan natin telenovela sa TV, mga idol na artista, idol na manlalaro tulad ni Manny… Para sa ilan nakakasawa na rin ang maging Kristiyano.  Wala ng thrill, panay simba na lang tuwing Linggo, makikinig sa nakakaantok na pari na pare-pareho ang sinasabi.  Karaniwan na kasi… nakasanayan na… nakakasawa na!  Pero kung pag-iisipan lamang natin, dito nagsasalita ang Panginoon sa atin… sa karaniwan.  Ipinahayag niya ang pagsisi ng kasalanan at mabuting balita sa ordinaryong takbo ng buhay ng mga tao. Kaya nga marahil kakaunti ang nakinig. Pumili siya ng mga unang alagad mula sa ordinaryong mangingisda. Wag nating baliwalain ang ordinaryo… ang kariniwan. Naririyan ang Diyos! Ang Diyos nasa mga magulang mo.  Ang Diyos nasa mga kapatid mo… nasa mga kasama mo sa trabaho, nasa kaaway mo, nasa karaniwang ginagawa mo araw-araw!  Damhin mo sa kanila ang Kanyang pagmamahal!

ISIP BATA! : Reflection for the Feast of Sto. Nino - Jan 15, 2006

Isa sa mga debosyong napamahal sa akin ang Sto. Nino.  Sa katunayan, hanggang ngayon ay memorized ko pa ang kanta ni Sharon Cuneta na alay sa batang sanggol:  "Santo Nino, Santo Nino, natupad na rin ang aking hinihiling sa ‘yo…" kung di mo masabayan e tanungin mo ang nanay mo at baka alam niya! hehehe…  Kung ating titingnan ay talaga namang napakapopular nating makikita ito sa ating pang-araw-araw na buhay bilang Pilipino.  Karaniwan ng makikita ang imahe ng Sto. Nino sa mga jeep katabi ang sticker na "God knows HUDAS not pay!".  Karaniwan siyang makikita sa tindahan na nakadamit na berde o pula at may katabing "pusa na gumagalaw ang kamay".  Karaniwang siyang makikita sa tahanan na katabi ang isang sexy poster ng Tanduay!hehehe… nakakatuwa!  Parang tayong mga bata… ISIP BATA sa ating pananampalataya.  Siguro dapat nating isipin na si Jesus ay hindi nanatiling bata.  Siya ay lumaki.  Gayun din dapat sa ating pananampalataya… dapat lumago… dapat lumalim.  Hindi doble-kara, hindi balimbing, hindi malamig, hindi teka-teka kundi isang pananampalatayang tunay na nakaugat kay Kristo at sa Kanyang Salita. Isip bata ka pa ba sa pananampalataya mo?

HAPPY 3 KINGS? : Reflection for Epiphany, January 8, 2006

"Happy three kings Father!"  Bati ng isang parishioner sa akin.  Sabi ko naman, "alam mo, sablay lahat ang pagbati mo. Wala ni isang tumama! hehehe… Bakit kamo?  Una, hindi sila Kings… sila ay mga "magi"! Sa tagalog mga pantas.  Mga taong marunong bumasa ng mga kaganapan sa kalawakan, parang "astrologers."  Pangalawa, hindi sila tatlo! Tatawanan ka ni Bro. Eli nyan dahil hindi matatagpuan sa Bibilia na tatlo sila.  Pangatlo, hindi ka "Happy"… nakasimangot ka eh! hehehe… Merry Christmas na lang bati mo!  Totoo naman, ang Epiphany ang sinasabing second Christmas!  Sa katunayan mayroong mga bansang sa araw na ito ginagawa ang pagbibigayan ng regalo… kaya puwede n’yo pa akong bigyan! hehe…  Epiphany ang tawag sapagkat ang ibig sabihin nito ay "pagpapahayag".  Ipinahayag ng Diyos na ang kanyang pag-ibig ay para sa lahat! Ano man ang kulay mo, lahi mo, itsura mo… Ikaw man ay banal o makasalanan… ay minamahal ka pa rin ng Diyos. Ito ang regalo ng Diyos sa atin, ang kanyang walang hanggang pag-ibig sa katauhan ng kanyang Anak na si Jesus. Ano naman kaya ang regalo ko sa Kanya?  Kung ito ang araw ng pagbibigayan ng regalo dapat may nakahanda akong regalo kay Jesus.  Hindi pa huli… hindi pa tapos ang Pasko… MERRY CHRISTMAS!

BAGONG TAON… BAGONG BUHAY! : Reflection for New Year 2006

"Bagong taon… bagong buhay!" Alam ko na ang iniisip ninyo: "Father, gasgas na yan..! Yan at yan din ang naririnig namin taon-taon… Wala na bang iba?"  Siguro nga gasgas na… nakakasawa… paulit-ulit. Pero tingnan mo ang sarili mo.  Tingnan mo ang pag-uugali mo… ang masasamang habits mo.. di ba paulit-ulit din?  Kung minsan ayaw ko ng gumawa ng New Year’s Resolution kasi sa isang taon yun din ang kukunin ko.  Parang walang nabago… nakakasawa… paulit-ulit!  Naisip ko, bakit nga ba napakaikli ng pasensiya ko sa aking sarili? Kaya siguro mabagal ang pagbabago ko ay wala kasi akong tiyaga sa aking sarili.  Dapat siguro mas mapagpasensiya pa ako. Hindi dapat maging dahilan yung paulit-ulit para bumigay ako.  Kung paanong dapat akong paulit-ulit na magsipilyo dahil hindi naman talaga nawawala ang bad breath ko e dapat siguro ganun din sa pagnanais kong magbago.  Ang maganda rito sa pagtitiyaga sa ating sarili ay hindi tayo nag-iisa dahil ang Diyos ay matagal ng nagtitiyaga sa atin…  Grabe ang pasensiya ng Diyos! To the max!!! Kaya nga wag nating kalimutang isama siya sa ating pagbabago.  Tandaan natin palagi ang sabi ni San Pablo:  "In our weakness… God is strong!" Siguro, hinahayaan niya tayong manghina upang mas lalo natin makita Siya bilang ating lakas. Gawin natin Siyang lakas sa taong ito… "Lord… be my strength!"