BAGONG TAON… BAGONG BUHAY! : Reflection for New Year 2006
"Bagong taon… bagong buhay!" Alam ko na ang iniisip ninyo: "Father, gasgas na yan..! Yan at yan din ang naririnig namin taon-taon… Wala na bang iba?" Siguro nga gasgas na… nakakasawa… paulit-ulit. Pero tingnan mo ang sarili mo. Tingnan mo ang pag-uugali mo… ang masasamang habits mo.. di ba paulit-ulit din? Kung minsan ayaw ko ng gumawa ng New Year’s Resolution kasi sa isang taon yun din ang kukunin ko. Parang walang nabago… nakakasawa… paulit-ulit! Naisip ko, bakit nga ba napakaikli ng pasensiya ko sa aking sarili? Kaya siguro mabagal ang pagbabago ko ay wala kasi akong tiyaga sa aking sarili. Dapat siguro mas mapagpasensiya pa ako. Hindi dapat maging dahilan yung paulit-ulit para bumigay ako. Kung paanong dapat akong paulit-ulit na magsipilyo dahil hindi naman talaga nawawala ang bad breath ko e dapat siguro ganun din sa pagnanais kong magbago. Ang maganda rito sa pagtitiyaga sa ating sarili ay hindi tayo nag-iisa dahil ang Diyos ay matagal ng nagtitiyaga sa atin… Grabe ang pasensiya ng Diyos! To the max!!! Kaya nga wag nating kalimutang isama siya sa ating pagbabago. Tandaan natin palagi ang sabi ni San Pablo: "In our weakness… God is strong!" Siguro, hinahayaan niya tayong manghina upang mas lalo natin makita Siya bilang ating lakas. Gawin natin Siyang lakas sa taong ito… "Lord… be my strength!"