HAPPY 3 KINGS? : Reflection for Epiphany, January 8, 2006
"Happy three kings Father!" Bati ng isang parishioner sa akin. Sabi ko naman, "alam mo, sablay lahat ang pagbati mo. Wala ni isang tumama! hehehe… Bakit kamo? Una, hindi sila Kings… sila ay mga "magi"! Sa tagalog mga pantas. Mga taong marunong bumasa ng mga kaganapan sa kalawakan, parang "astrologers." Pangalawa, hindi sila tatlo! Tatawanan ka ni Bro. Eli nyan dahil hindi matatagpuan sa Bibilia na tatlo sila. Pangatlo, hindi ka "Happy"… nakasimangot ka eh! hehehe… Merry Christmas na lang bati mo! Totoo naman, ang Epiphany ang sinasabing second Christmas! Sa katunayan mayroong mga bansang sa araw na ito ginagawa ang pagbibigayan ng regalo… kaya puwede n’yo pa akong bigyan! hehe… Epiphany ang tawag sapagkat ang ibig sabihin nito ay "pagpapahayag". Ipinahayag ng Diyos na ang kanyang pag-ibig ay para sa lahat! Ano man ang kulay mo, lahi mo, itsura mo… Ikaw man ay banal o makasalanan… ay minamahal ka pa rin ng Diyos. Ito ang regalo ng Diyos sa atin, ang kanyang walang hanggang pag-ibig sa katauhan ng kanyang Anak na si Jesus. Ano naman kaya ang regalo ko sa Kanya? Kung ito ang araw ng pagbibigayan ng regalo dapat may nakahanda akong regalo kay Jesus. Hindi pa huli… hindi pa tapos ang Pasko… MERRY CHRISTMAS!