NAKAKASAWA? : Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year B, Jan 22, 2006
Tumigil ang ikot ng mundo sa Pilipinas nitong nakaraan Linggo, Jan 22. Walang nai-report na krimen, karahasan at panggugulo sapagkat lahat… nanood sa laban ni Manny Pacquiao! hehehe… Kahit nga mga NPA nagdeclare ng "tigil-putukan" bilang pakikiisa sa ating bayaning boksingero. Sana laging may laban si Manny Pacquiao! hehehe… Masyado na tayong sawa sa bangayan sa pulitika, pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaya nga ang binabalingan natin telenovela sa TV, mga idol na artista, idol na manlalaro tulad ni Manny… Para sa ilan nakakasawa na rin ang maging Kristiyano. Wala ng thrill, panay simba na lang tuwing Linggo, makikinig sa nakakaantok na pari na pare-pareho ang sinasabi. Karaniwan na kasi… nakasanayan na… nakakasawa na! Pero kung pag-iisipan lamang natin, dito nagsasalita ang Panginoon sa atin… sa karaniwan. Ipinahayag niya ang pagsisi ng kasalanan at mabuting balita sa ordinaryong takbo ng buhay ng mga tao. Kaya nga marahil kakaunti ang nakinig. Pumili siya ng mga unang alagad mula sa ordinaryong mangingisda. Wag nating baliwalain ang ordinaryo… ang kariniwan. Naririyan ang Diyos! Ang Diyos nasa mga magulang mo. Ang Diyos nasa mga kapatid mo… nasa mga kasama mo sa trabaho, nasa kaaway mo, nasa karaniwang ginagawa mo araw-araw! Damhin mo sa kanila ang Kanyang pagmamahal!