PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for February, 2006


Repent and Believe in the Gospel! : Reflection for Ash Wednesday - March 1, 2006

Miyerkules na naman ng Abo!  Madudumihan na naman ang ating noo at mababawasan na naman ang ating kakainin! Ang araw na ito ang simula ng panahon na tinatawag nating Kuwaresma o ang apatnapung araw ng paghahanda natin sa pagdirwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus.  Minsang may nagsabi sa akiN : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong lent! Matagal ko ng ginagawa yan… nagdidieting naman ako!" "Ineng,"  ang sabi ko, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting… para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo."  Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko mapapabanal ang aking sarili?"  Bale wala ang pag-aayuno, di pagkain ng karne o abstinensya, kahit ang mismong paglalagay ng abo sa noo kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago.  Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti at pagdarasal kung pakitang-tao lamang! Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo… "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!"

Tama Na! Sobra Na! Magbago ka Na! : Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time, Year B - February 26, 2006

May nadiskubre akong isang katawa-tawang bagay sa aming bahay… ang nanay ko hindi marunong gumamit ng remote control sa TV bagamat mahigit sampung taon na iyon sa aming bahay! Ang sabi niya sa akin: "Ay, ikaw na ang magbukas niyan! Di ko yan pinakikialaman… baka sumabog pa yan!"  Nasanay kasi siya sa luma naming telebisyon na de tubo, na ang pihitan ay may asterisks (*), at may pintuang kahoy! hehehe…  Tunay ngang ang hirap ng baguhin ang isang lumang pag-iisip, mahirap palitan ang isang bagay na dati na nating nakagawian!  Sa Ebanghelyo narinig nating sinabi ni Hesus: "Bagong alak, bagong sisidlang balat!" Iyon ay sapagkat sisirain lamang ng alak ang lumang sisidlan nitong pagsasalinan.  Ang bagong alak ay ang "Mabuting Balita ni Hesus".  Ang lumang sisidlang balat ay ang mag lumang paniniwala at pag-iisip ng mga tao noon.  Nanawagan si Hesus sa isang tunay na pagbabago. Sa Griego ang tawag dito ay "Metanoia" - "change of mind and heart".   Marahil ito talaga ang  ating kinakailangan.  Bakit hindi pa rin tayo makabangon pagkatapos ng 20 taon ng Edsa Revolution ay sapagkat walang change of mind and heart sa bawat Pilipino. "Tama na! Sobra na! Palitan na!" Pero may kadugtong ito sa ilan… "Kami naman!" Kaya naman hanggang ngayon naririyan pa rin ang lumang mga pulitiko na corrupt, luma at marumi pa rin ang pag-iiisip at pagkilos! Pansariling interes lamang ang isinusulong… KAMI NAMAN! Kung talagang nais natin ng pagbabago sa ating lipunan… dapat simulan sa pagbabago ng sarili ng bawat Pilipino. "Change of mind and heart!"  Dapat ang ating sigaw sa EDSA:  "TAMA NA! SOBRA NA! MAGBAGO NA TAYO!"

Trahedya Na Naman! : Reflection for the 7th Sunday in Ordinary Time, Year B - February 19, 2006

Pagkatapos ng trahedya sa Ultra, ginulat na naman tayo ng isang masamang balita nitong nakaraang biyernes… ang landslide na nangyari sa baranggay ng St. Bernard sa Southern, Leyte. Kung noong nakaraang trahedya ay 74 lamang ang naideklarang nasawi, dito ay mahigit 1,500 katao ang pinaniniwalaang natabunan ng putik ng gumuhong karatig bundok ng bariong nabanggit. Nakakapanghina panoorin ang balita.  Parang nais mong tumulong ngunit wala kang magawa. Parang nais mong mag-abot ng kamay upang tumulong ngunit sadyang napakalayo ng lugar! Mauupo ka na lang ba sa kinalalagyan mo at kaawaan mo sila?  Meron kang puwedeng gawin.  Sa Ebanghelyo ngayon, makikita natin ang pananampalataya ng mga taong tumulong sa paralitiko para lamang mapansin siya ni Jesus at pagalingin.  Binutas pa nila ang bubungan para lamang mailagay ang paralitiko sa harapan ni Jesus.  Sadyang napakalaki ng kanilang pananampalataya upang tanggihan sila ni Jesus!  Sa mga sandaling ito ng trahedya sa ating bansa, hinihingi rin ang ating pamamagitan o "intercession". Bagamat malayo tayo sa lugar ng "landslide"  ang ating mga panalanging may pananampalataya ay maaring magpalakas ng loob sa maraming taong tumutulong sa relief at rescue operation. Mahirap maunawaan ang kalooban ng Diyos sa ganitong mga pagkakataon. Siguradong maraming tao ang panghihinaan ng pananampalataya sa Diyos.  Patatagin natin sila sa pamamagitan ng ating mga panalangin.  Ito na marahil ang pinakamagandang tulong na maari mong ibigay sa kanila.

KAPUSO! Reflection for Valentines Day, February 14, 2006

Araw ngayon ng mga puso… naksasuot ako ng damit na pula.  Ginawa ko rin ito nung araw ng Pasko.  "Father… ang corny no ha?"   Pabirong sabi sa akin ng ilan.  Sabi ko naman… "Di bale ng corny at least  naremind kita na special ang araw na ito…"  Pareho lang naman ang sinasabi ng "Pasko" at "Araw ng mga Puso"… na may Diyos na nagdesisyong maging KAPUSO natin!  (Sorry na lang sa mga "KAPAMILYA" dyan! hehehe)  May Valentines Day kasi sa simula’t simula pa ay may Diyos na nagmahal sa atin ang lubos at ang Kanyang pagmamahal ay "forever"… FOR LIFE! Ang ginagawa nating pagpapalitan ng valentines card, chocolates and roses, hugs and kisses ay mga paraan lamang upang maipadama natin ang ating pagmamahal sa ibang tao kung paanong minahal tayo ng Diyos.  Kaya nga’t isipin mo sa araw na ito na kapag nagbitaw ka ng katagang "I love you"… na may isang Diyos na nagmahal ng lubos sa iyo… na may isang Diyos na naging KAPUSO MO!

CHUGI! : Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time, Year B - February 12, 2006

May isang lalaking tumawag sa isang hotel at nagtatanong kung may kwartong maaring tuluyan.  "Meron po sir, special at ordinary."  "Anung pagkakaiba ng dalawa?"  Tanong ng lalaki.  "Sir, yung special may TV at masahista… Yung ordinary… may TB yung masahista!" hehehe… mahirap ang me TB, nakakahawa. Ganun din ang AIDS, meninggo occimia, bird flu… etc. Nung panahon ni Jesus, ketong ang kinatatakutan!  Kaya nga ang may ketong tinitiwalag, hinihiwalay… CHUGI! Sa kaniwalang paniniwala ang ketong ay parusang ipinataw ng Diyos sa isang tao dahil sa kanyang malaking kasalanan o sa kasalanan ng lahi nila.  Kaya nga si Jesus ay hindi nagdalawang isip na pagalingin ang ketongian, hindi lamang upang linisin siya sa kanyang sugat kundi upang hilumin ang sakit na ibinigay nito sa kanya dahil sa mababang pagtingin sa kanya ng mga tao dala ng kanyang abang kalagayan. May mga ketongin din sa ating makabagong panahon na dapat nating damayan… hindi lamang ketong na sakit (hindi na sya nakakahawa ngayon), ngunit ang "ketong" na naglalayo sa atin sa ating kapwa. Marahil minamaliit natin ang iba dahil sa mas angat ang ating kalagayan sa kanila.  Marahil mas "banal" ang tingin natin sa ating sarili kaysa mga taong malayo sa Diyos, marahil may mga tao tayong hindi pinapansin, hindi pa pinapatawad… napakaraming ketongin na dapat tanggapin at pagalingin… ang tanong… CHUGI BA SILA SA ‘YO?

KAHIRAPAN: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time, Year B - February 5, 2006

Nakakagimbal ang trahedyang nangyari kahapon. 74 ang sinasabing namatay
at 359 ang nasugatan dahil sa stampede upang makapanood lamang sa isang
noontime show. Di pa rin matukoy ang dahilan.  Sinasabing may nagkagulo
ng may sumigaw na "Bomba!" May nagsasabing nag-ugnahan ang mga tao ng
buksan ang naliit na gate ng philsport arena o
Ultra, nagpumilit pumasok ang mga nasa likod at sumunod na ang banggaan
ng katawan at kaguluhan.  Anu pa man ang dahilan isa lang marahil ang
masasabi nating ugat nito:  Ang KAHIRAPAN! Maraming Pilipino ang hirap
na sa buhay kung kaya’t ang ganitong mga gimik at palatuntunan ay
kinakagat!  Sagad na ang kahirapan kung kaya’t kahit buhay ng ibang tao
ay handang isakripisyo para lamang makalasap ng kaunting kaligayahan!
Nakalulungkot… bakit hindi natin matanggap na ang kahirapan ay
kakambal ng tao! "Life is difficult!" Isang katotohanan na dapat nating
tanggapin.  Ang kuwento ng buhay ni Job sa unang pagbasa ay
makapagbibigay sa atin ng pagkaunawa kung paanong dapat tanggapin ang
kaharipan sa buhay.  Si Hesus sa ebanghelyo ay nakiisa sa karamdaman ng
maraming taong mahihirap.  Hindi sagot ang "Pera o Bayong", "Laban o
Bawi",  "Mega Lotto", "Huweteng"… sa kahirapan ng tao.  Naririyan pa rin ang ating pagsisikap at matatag na pananampalataya sa Diyos na siyang nagbibigay sa atin ng tunay na pag-asa!
Harapin  natin ang paghihirap. Huwag tayong maging tamad… Wag iaasa
ang buhay sa swerte o kapalaran.  Sapagkat kung gagawin natin ito hindi
"grasya" ang ating mapupulot kundi…. DISGRASYA!

PADRE E MAESTRO: Reflection for the Feast of St. John Bosco: Jan. 29 (SDB Parishes) & Jan. 31 )

Grade 6 lamang ako nang una akong makarating sa Don Bosco Youth Center Tondo.  Agad akong na "at home" sa lugar sapagkat punong-puno ito ng kabataan.  Kung sabagay hindi naman ito nakapagtataka sa Tundo na tinagurinag "pabrika ng mga bata"! hehe…  Mas lalo akong na "at home" ng lapitan ako ng isang brother at tinanong kung ibig kong sumali sa KOA (Knights of the Altar).  Aanga-anga pa ako noon kaya umoo agad ako…  Paglipas ng ilang mga buwan, naging pangalawang tahanan ko na ang Don Bosco Youth Center Tondo.  Sa katunayan, itinataboy na ako ng nanay ko sa bahay at gustong ilipat na ang kama ko sa Don Bosco… hehehe… Ganyan naging kalakas ang  "impact" sa kin ng Don Bosco.  Wala akong kamalay-malay na balang araw, isa rin pala ako sa mga susunod sa kanya! Lalong napamahal sa akin si Don Bosco ng mapag-alaman ko ang buhay niya. Ang kanyang buhay ay parang kandila na unti-unting naagnas sa pagbibigay ng liwanag sa mga kabataang kanyang inaruga at tinuring bilang mga tunay anak. Kaya nga ang titulong ibinigay sa kanya ay "Padre e Maesto"… "Father and Teacher"… Guro at Ama! "Don Bosco… turuan mo akong maging katulad mo.  Sa kabila ng aking kahinaan at kakulangan nawa ako’y maging karapat-dapat at tapat mo akong anak…"