CHUGI! : Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time, Year B - February 12, 2006
May isang lalaking tumawag sa isang hotel at nagtatanong kung may kwartong maaring tuluyan. "Meron po sir, special at ordinary." "Anung pagkakaiba ng dalawa?" Tanong ng lalaki. "Sir, yung special may TV at masahista… Yung ordinary… may TB yung masahista!" hehehe… mahirap ang me TB, nakakahawa. Ganun din ang AIDS, meninggo occimia, bird flu… etc. Nung panahon ni Jesus, ketong ang kinatatakutan! Kaya nga ang may ketong tinitiwalag, hinihiwalay… CHUGI! Sa kaniwalang paniniwala ang ketong ay parusang ipinataw ng Diyos sa isang tao dahil sa kanyang malaking kasalanan o sa kasalanan ng lahi nila. Kaya nga si Jesus ay hindi nagdalawang isip na pagalingin ang ketongian, hindi lamang upang linisin siya sa kanyang sugat kundi upang hilumin ang sakit na ibinigay nito sa kanya dahil sa mababang pagtingin sa kanya ng mga tao dala ng kanyang abang kalagayan. May mga ketongin din sa ating makabagong panahon na dapat nating damayan… hindi lamang ketong na sakit (hindi na sya nakakahawa ngayon), ngunit ang "ketong" na naglalayo sa atin sa ating kapwa. Marahil minamaliit natin ang iba dahil sa mas angat ang ating kalagayan sa kanila. Marahil mas "banal" ang tingin natin sa ating sarili kaysa mga taong malayo sa Diyos, marahil may mga tao tayong hindi pinapansin, hindi pa pinapatawad… napakaraming ketongin na dapat tanggapin at pagalingin… ang tanong… CHUGI BA SILA SA ‘YO?