KAHIRAPAN: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time, Year B - February 5, 2006
Nakakagimbal ang trahedyang nangyari kahapon. 74 ang sinasabing namatay
at 359 ang nasugatan dahil sa stampede upang makapanood lamang sa isang
noontime show. Di pa rin matukoy ang dahilan. Sinasabing may nagkagulo
ng may sumigaw na "Bomba!" May nagsasabing nag-ugnahan ang mga tao ng
buksan ang naliit na gate ng philsport arena o
Ultra, nagpumilit pumasok ang mga nasa likod at sumunod na ang banggaan
ng katawan at kaguluhan. Anu pa man ang dahilan isa lang marahil ang
masasabi nating ugat nito: Ang KAHIRAPAN! Maraming Pilipino ang hirap
na sa buhay kung kaya’t ang ganitong mga gimik at palatuntunan ay
kinakagat! Sagad na ang kahirapan kung kaya’t kahit buhay ng ibang tao
ay handang isakripisyo para lamang makalasap ng kaunting kaligayahan!
Nakalulungkot… bakit hindi natin matanggap na ang kahirapan ay
kakambal ng tao! "Life is difficult!" Isang katotohanan na dapat nating
tanggapin. Ang kuwento ng buhay ni Job sa unang pagbasa ay
makapagbibigay sa atin ng pagkaunawa kung paanong dapat tanggapin ang
kaharipan sa buhay. Si Hesus sa ebanghelyo ay nakiisa sa karamdaman ng
maraming taong mahihirap. Hindi sagot ang "Pera o Bayong", "Laban o
Bawi", "Mega Lotto", "Huweteng"… sa kahirapan ng tao. Naririyan pa rin ang ating pagsisikap at matatag na pananampalataya sa Diyos na siyang nagbibigay sa atin ng tunay na pag-asa!
Harapin natin ang paghihirap. Huwag tayong maging tamad… Wag iaasa
ang buhay sa swerte o kapalaran. Sapagkat kung gagawin natin ito hindi
"grasya" ang ating mapupulot kundi…. DISGRASYA!