Tama Na! Sobra Na! Magbago ka Na! : Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time, Year B - February 26, 2006
May nadiskubre akong isang katawa-tawang bagay sa aming bahay… ang nanay ko hindi marunong gumamit ng remote control sa TV bagamat mahigit sampung taon na iyon sa aming bahay! Ang sabi niya sa akin: "Ay, ikaw na ang magbukas niyan! Di ko yan pinakikialaman… baka sumabog pa yan!" Nasanay kasi siya sa luma naming telebisyon na de tubo, na ang pihitan ay may asterisks (*), at may pintuang kahoy! hehehe… Tunay ngang ang hirap ng baguhin ang isang lumang pag-iisip, mahirap palitan ang isang bagay na dati na nating nakagawian! Sa Ebanghelyo narinig nating sinabi ni Hesus: "Bagong alak, bagong sisidlang balat!" Iyon ay sapagkat sisirain lamang ng alak ang lumang sisidlan nitong pagsasalinan. Ang bagong alak ay ang "Mabuting Balita ni Hesus". Ang lumang sisidlang balat ay ang mag lumang paniniwala at pag-iisip ng mga tao noon. Nanawagan si Hesus sa isang tunay na pagbabago. Sa Griego ang tawag dito ay "Metanoia" - "change of mind and heart". Marahil ito talaga ang ating kinakailangan. Bakit hindi pa rin tayo makabangon pagkatapos ng 20 taon ng Edsa Revolution ay sapagkat walang change of mind and heart sa bawat Pilipino. "Tama na! Sobra na! Palitan na!" Pero may kadugtong ito sa ilan… "Kami naman!" Kaya naman hanggang ngayon naririyan pa rin ang lumang mga pulitiko na corrupt, luma at marumi pa rin ang pag-iiisip at pagkilos! Pansariling interes lamang ang isinusulong… KAMI NAMAN! Kung talagang nais natin ng pagbabago sa ating lipunan… dapat simulan sa pagbabago ng sarili ng bawat Pilipino. "Change of mind and heart!" Dapat ang ating sigaw sa EDSA: "TAMA NA! SOBRA NA! MAGBAGO NA TAYO!"