Trahedya Na Naman! : Reflection for the 7th Sunday in Ordinary Time, Year B - February 19, 2006
Pagkatapos ng trahedya sa Ultra, ginulat na naman tayo ng isang masamang balita nitong nakaraang biyernes… ang landslide na nangyari sa baranggay ng St. Bernard sa Southern, Leyte. Kung noong nakaraang trahedya ay 74 lamang ang naideklarang nasawi, dito ay mahigit 1,500 katao ang pinaniniwalaang natabunan ng putik ng gumuhong karatig bundok ng bariong nabanggit. Nakakapanghina panoorin ang balita. Parang nais mong tumulong ngunit wala kang magawa. Parang nais mong mag-abot ng kamay upang tumulong ngunit sadyang napakalayo ng lugar! Mauupo ka na lang ba sa kinalalagyan mo at kaawaan mo sila? Meron kang puwedeng gawin. Sa Ebanghelyo ngayon, makikita natin ang pananampalataya ng mga taong tumulong sa paralitiko para lamang mapansin siya ni Jesus at pagalingin. Binutas pa nila ang bubungan para lamang mailagay ang paralitiko sa harapan ni Jesus. Sadyang napakalaki ng kanilang pananampalataya upang tanggihan sila ni Jesus! Sa mga sandaling ito ng trahedya sa ating bansa, hinihingi rin ang ating pamamagitan o "intercession". Bagamat malayo tayo sa lugar ng "landslide" ang ating mga panalanging may pananampalataya ay maaring magpalakas ng loob sa maraming taong tumutulong sa relief at rescue operation. Mahirap maunawaan ang kalooban ng Diyos sa ganitong mga pagkakataon. Siguradong maraming tao ang panghihinaan ng pananampalataya sa Diyos. Patatagin natin sila sa pamamagitan ng ating mga panalangin. Ito na marahil ang pinakamagandang tulong na maari mong ibigay sa kanila.