PALAYASIN ANG MASAMANG ESPIRITU! : Reflection for 3rd Sunday of Lent, Year B - March 19, 2006
Minsan ako’y naanyayahang mag house blessing ng tita ko sa Bulacan. Pagkatapos ng blessing ay may lumapit sa aking isang ale: "Father, pakidamay n’yo naman ang bahay namin." "Bakit naman nagmamadali ka?" tanong ko sa babae. "Kasi Father nakakaramdam kami ng masamang espiritu sa aming bahay." Sunod naman ako kahit takot ako sa multo. Napansin kong may tatlong magaganda at balingkinitang mga babae sa bahay. Pagkatapos ng blessing ay sinabi ko sa may-ari: "Ang gaganda naman ng mga anak ninyo…" Sabay hagikhik ng mga dalaga. "Father, di po namin nanay yan!" "E bakit mama tawag n’yo?" tanong ko. "E Father…" nakayukong sagot nila, "Mamasan po namin s’ya!" Muntik ko nang maihagis ang dala kong holy water! Bahay pala ng mga kalapating mababa ang lipad ang binasbasan ko.Kaya naman pala may mga evil spirits sa bahay! Kung minsan masyado nating nabibigyang pansin ang mga "evil spirits" sa ating paligid ngunit nakakaligtaan nating itaboy ang "evil spirits" sa ating mga puso! Mas mahirap ngang kalaban ito kasi hindi mo nakikita at namamalayan. Naging templo tayo ng Espiritu Santo nung tayo ay nabinyagan kung kaya’t may tungkulin tayong linisin natin ang templong ito sa anumang uri ng kasamaan. Ang kasalanan tulad ng pagmamataas, pagkainggit, katakawan, katamaran, karumihan… ay mga evil spirits na sumisira sa templo ng Diyos. Ipagtabuyan natin ito habang may panahon pa. Ang panawagan ng kuwaresma ay "kabanalan" ngunit ito ay imposibleng mangyari kung hinahayaan natin ang kasalanang maghari sa ating buhay. Sabihin natin tulad ni Hesus: "Lumayas kayo dito… huwag n’yong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!"