PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for April, 2006


MULTO! : Reflection for the 3rd Sunday of Easter, Year B - April 30, 2006

Nakakita ka na ba ng multo?  Naniniwala ka ba na may multo?  Ako hindi kasi hindi pa ko nakakakita… at sana wag na sana silang magpakita dahil sobra akong matatakutin! Baka himatayin pa ako… hehehe. Normal lang sa mga alagad na pagkamalang multo si Jesus.  Baka nga lang naman nagpaparamdam siya sa kanila.  Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling pag-iisip.  Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay… nagpakuha siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya’t imposibleng kumain…  Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay!  Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas … na ang lahat ay naaayon sa plano ng Diyos… maging ang kanyang paghihirap at kamatayan.  Kung minsan ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na’t kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagagalit, nagpapanic!  Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house:  "RELAX… GOD IS IN-CHARGE!"  Tama nga naman… Kung naniniwala tayo na buhay si Kristo ano ang dapat nating katakutan…?  May isang multo na dapat nating katakutan… ang labis na pagtitiwala sa ating sarili at pagwawalang bahala sa Diyos…  Minumulto ka ba nito?

WISH KO LANG… : Reflection for the 2nd Sunday of Easter - B, April 23, 2006

"Ano ang birthday wish mo?" Tanong ko sa isang bata, sabay wagayway ng kanyang kamay at ala Ms. Universe na sinabing…"World Peace!"  Kung minsan nagiging laman ito ng ating mga biro ngunit kung ating iisipin ang "kapayapaan" ang napakailap at mahirap makamtan. Kaya nga hanggang "wish ko lang…" ang pagkakaroon nito! Akala natin may kapayapaan kapag wala ng digmaan. Akala natin may kapayapaan kapag nagresign na ang ating mga pinuno.  Akala natin may kapayapaan kapag nagpalit na ang uri ng gobyerno.  Akala natin may kapayapaan kapag may kabuhayan na ang mahihirap…  Kailan ba magkakaroon ng kapayapaan?  Saan ba manggagaling ito?  Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos Niyang muling mabuhay… "Peace be with you!"  Higit pa sa kawalan ng kaguluhan o ingay, ang kapayapaang nagmumula kay Kristo na kanyang handog sa atin.  Kapayapaan na matatamo lamang ng isang pusong pinaghaharian ng Diyos… hindi ng ambisyon, kayamanan, kapangyarihan… Ang "world peace" ay mananatiling "wish ko lang" kung wala sa puso ng bawat isa ang pagpapatawad, pag-unawa, pagmamahal… Sa pagpapatuloy natin sa pagninilay ng biyayang kaloob ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ay hingin nating pagharian Niya nawa ang ating mga puso at pagkalooban ito ng tunay na kapayapaan… ng sa gayon ay maitaguyod natin ang isang mundong mapayapa… sana… WISH KO LANG…

DATE WITH THE DEAD: Reflection for Easter - April 15, 2006

Ano kaya ang mararamdaman mo kung ang isang minamahal mo sa buhay na namatay na ay magpakita sa ‘yo sa panaginip at sabihing: "Hoy! maghanda ka…sunduin mo ako sa sementeryo at tatayo ako mula sa aking pinaglilibingan at magdadate tayo!" Kaya ba ng powers mo yon? Ngiiiiii! Date with a zombie?  Ikaw na lang…  Nang si Jesus ay muling nabuhay ay  parang ganito rin ang sinabi niya sa nakasaksi sa "empty tomb" :  "Wala na siya rito - siya’y muling nabuhay! Kaya humayo kayo… sabihin ninyo sa mga alagad  na mauna na sa Galilea.  Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo!"  Ngunit hindi takot ang namayani sa mga alagad, bagkus galak at kasiyahan na siya’y muling makita!  Sapagkat si Jesus ay muling nabuhay tulad ng kanyang ipinangako! Hindi siya Zombing naglalakad!  Hindi siya multo… Siya ay ang Anak ng Diyos na namatay ngunit muling nabuhay sa pamamagitan ng Kanyang sariling kapangyarihan. Hindi nagtagumpay sa Kanya ang dilim ng kamatayan! Magandang pagnilaynilayan na ang Easter ay nagsimula sa dilim… hindi sa liwanag.  Sa dilim ng libingan unang sumilay ang liwanag ng muling pagkabuhay! Parang ganito rin ang ating katayuan… nasadlak tayo sa dilim ng pagkakasala at ang muling pagkabuhay ni Jesus ang liwanag na nagbigay sa atin ng pag-asa upang itama ang anumang ating pagkakamali sa nakaraan! Ang buhay natin ay hindi gulong ng palad na paikot-ikot lamang. Minsan nasa ilalim… minsan nasa ibabaw… Ang buhay ng taong iniligtas ni Kristo ay hindi paikot-ikot kundi diretsong pataas patungo sa Kanya!  Kaya nga sa ating mga Kristiyano… not to progress is to regress! Kuntento ka na ba sa buhay mo?  Masaya ka na ba na urong-sulong, laban-bawi ang pagiging Kristiyano mo?  Gumising ka!  Mabuhay kang kasama ni Kristo! 

WHY GOOD FRIDAY? : Reflection for Good Friday - April 14, 2006

Bakit "Good Friday" ang tawag sa araw na ito?  Bakit sa ibang araw ng Holy Week ang tawag ay "Holy"?  (Holy Monday, Holy Tuesday, etc…) What is so good today?  Today is really "good" Friday for three reasons:  First, today we see the ultimate goodness of God. Kakatapos ko palang panoorin ang "The Passion of the Christ" sa aming Simbahan at mas lalo akong nakumbinsi na talagang mahal ako ng Diyos. Parang ramdam ko ang bawat sugat ni Jesus… sugat na tanda ng kanyang pagmamahal sa ‘kin!  I felt my unworthiness in front of God because of my sinfulness… Second, today is "good" because today, good triumphed over evil… Sa pagkamatay ni Hesus ay tinalo Niya ang kasamaan at kasalanan!  Kaya pala sa palabas ay humiyaw ng malakas ang demonyo pagkatapos maisakatuparan ni Jesus ang pagkamatay sa Krus. Sinunod Niya ang kalooban ng Ama at dahil dito ay nailigtas tayo sa kasalanan. Third reason is because we are commissioned to be good people and to do good deeds to others…  Mabuti tayo sapagkat buhay ni Jesus ang ginamit Niya upang tayo ay maligtas.  At nais din N’yang ibahagi natin ang kabutihang ito sa iba…  let us also be bearers of His Goodnews!  So.. we have all the reason to call this day… GOOD…  AND LET US TRY TO BE GOOD STARTING TODAY… (nb: Thanks to the reflection of Fr. Bobby T. in Sabbath)

SIMPLE LANG… Reflection for Holy Thursday 2, Washing of the Feet - April 13, 2006

Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang bago kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa… (parang commercial ng safeguard eh! hehehe) Pero di ata ako tinuruan na maghugas ng paa bago kumain! Parang weird yun! hehe… Bago ganapin ni  Hesus ang  "huling hapunan" ay  iniutos ito ni Hesus sa kanyang mga alagad!  Ang mas weirdo… si Hesus mismo ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad.  Haller…!  Si Hesus ang bigboss nila no?  Bakit siya ang naghugas?  May nais paratingin sa atin ang Panginoon… nais mong maging leader?… matuto kang maglingkod!  Nais mong maging dakila?… Matuto kang magpakumbaba! Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Eukaristiya… Ano ba ang Eukaristiya…? Simple lang, tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad… Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at dahilan ng ating kaligtasan!

AKO ANG BAHALA! : Reflection for Holy Thursday 1 - April 13, 2006

Huwebes Santo na naman!  Gigising na naman ako ng 4:00 ng madaling araw.  Magmamadali para maabutan ang pasimula ng Misa sa Cathedral!  San Pablo pa kasi ang misa at mangagaling pa kami sa Sta. Rosa… 2 oras na biyahe… nakakaantok… ang sarap pang matulog!  Ngunit kailangan kong tumayo at magsipilyo na (at siyempre maligo!)  Espesyal kasi ang araw na ito para sa aming mga pari… araw namin ito… araw na kung saan ay muli naming papanibaguhin ang aming pangakong paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.  Sa araw na ito ay kokonsekrahan ang langis na ginagamit sa binyag at ibinibigay sa maysakit.  Kung paanong kaming mga pari naman ay sinasariwa rin ang consecration na ginawa ng Diyos sa amin.  Pagkatapos ng halos sampung taong pagkapari ay mas lalo ko pang nararanasan ang aking hindi pagigiging karapat-dapat.  Napakaraming pagkakamali.  Napakaraming pagkukunwari.  Napakaraming pagwawalang-bahala sa kanyang walang-hanggang pag-ibig!  Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang Kanyang pagtitiwala sa akin…  "Lord… hanggang kailan kita masasamahan?"  Sinagot Niya ako… "Hindi mo problema yan… ang dapat mo lang gawin ay sumunod at magtiwala…  AKO NA ANG BAHALA!"

MAHAL O BANAL NA ARAW? : Reflection for Passion / Palm Sunday, Year B - April 8, 2006

Mga Mahal na Araw na naman!  Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin?  Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles?  Bagama’t mas tama ang translation na "Banal", mas naangkop naman sa aking palagay ang salitang "Mahal".  Kapag sinabi mong "mahal"  maari mong ipakahulugang "of great value" o "precious".  Para sa ating mga Kristiyano, precious ang mga araw na itong darating… sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay!  "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi… sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear…"  Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas… Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang cheap ang mga araw na ito!  Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw .  Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine… ang precious… nagiging cheap… ang mahal nagiging… mumurahin!  Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito…  baka naman cheap ka rin sa darating na linggong ito?

R U READY 2 DIE? : Reflection for 5th Sunday of Lent Year B - April 2, 2006

Sabi ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo.  Mabubuhay kang  malungkot !  Patay na  kaming lahat… buhay ka pa!" hehehe…  Hindi ito encouragement para malulon tayo sa bisyo.  May mga tao lang kasi na sobra ang pag-iingat sa buhay.  May mga iba na maraming pagbabawal sa buhay… bawal ang pork, hipon, karne, itlog…Nag-eenjoy pa kaya sila?  Ang motto nga ng isang kaibigan kong may sakit: "If you eat you’ll die. If you don’t eat you’ll die. You will die just the same… so why not eat and die!"  May warning si Jesus tungkol dito:  "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito…" Mark the word… LABIS!  Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong! "Ngunuit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan."  Hindi ibig sabihin na we should hate life!  Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!"  Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay.  At iyon ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan.  Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-denial".  Pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay.  Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer, text, etc… Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba.  Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa… Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama… may pagpatay na buhay ang ibinibigayR u ready to die?