DATE WITH THE DEAD: Reflection for Easter - April 15, 2006
Ano kaya ang mararamdaman mo kung ang isang minamahal mo sa buhay na namatay na ay magpakita sa ‘yo sa panaginip at sabihing: "Hoy! maghanda ka…sunduin mo ako sa sementeryo at tatayo ako mula sa aking pinaglilibingan at magdadate tayo!" Kaya ba ng powers mo yon? Ngiiiiii! Date with a zombie? Ikaw na lang… Nang si Jesus ay muling nabuhay ay parang ganito rin ang sinabi niya sa nakasaksi sa "empty tomb" : "Wala na siya rito - siya’y muling nabuhay! Kaya humayo kayo… sabihin ninyo sa mga alagad na mauna na sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo!" Ngunit hindi takot ang namayani sa mga alagad, bagkus galak at kasiyahan na siya’y muling makita! Sapagkat si Jesus ay muling nabuhay tulad ng kanyang ipinangako! Hindi siya Zombing naglalakad! Hindi siya multo… Siya ay ang Anak ng Diyos na namatay ngunit muling nabuhay sa pamamagitan ng Kanyang sariling kapangyarihan. Hindi nagtagumpay sa Kanya ang dilim ng kamatayan! Magandang pagnilaynilayan na ang Easter ay nagsimula sa dilim… hindi sa liwanag. Sa dilim ng libingan unang sumilay ang liwanag ng muling pagkabuhay! Parang ganito rin ang ating katayuan… nasadlak tayo sa dilim ng pagkakasala at ang muling pagkabuhay ni Jesus ang liwanag na nagbigay sa atin ng pag-asa upang itama ang anumang ating pagkakamali sa nakaraan! Ang buhay natin ay hindi gulong ng palad na paikot-ikot lamang. Minsan nasa ilalim… minsan nasa ibabaw… Ang buhay ng taong iniligtas ni Kristo ay hindi paikot-ikot kundi diretsong pataas patungo sa Kanya! Kaya nga sa ating mga Kristiyano… not to progress is to regress! Kuntento ka na ba sa buhay mo? Masaya ka na ba na urong-sulong, laban-bawi ang pagiging Kristiyano mo? Gumising ka! Mabuhay kang kasama ni Kristo!