MULTO! : Reflection for the 3rd Sunday of Easter, Year B - April 30, 2006
Nakakita ka na ba ng multo? Naniniwala ka ba na may multo? Ako hindi kasi hindi pa ko nakakakita… at sana wag na sana silang magpakita dahil sobra akong matatakutin! Baka himatayin pa ako… hehehe. Normal lang sa mga alagad na pagkamalang multo si Jesus. Baka nga lang naman nagpaparamdam siya sa kanila. Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling pag-iisip. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay… nagpakuha siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya’t imposibleng kumain… Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay! Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas … na ang lahat ay naaayon sa plano ng Diyos… maging ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kung minsan ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na’t kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagagalit, nagpapanic! Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: "RELAX… GOD IS IN-CHARGE!" Tama nga naman… Kung naniniwala tayo na buhay si Kristo ano ang dapat nating katakutan…? May isang multo na dapat nating katakutan… ang labis na pagtitiwala sa ating sarili at pagwawalang bahala sa Diyos… Minumulto ka ba nito?