R U READY 2 DIE? : Reflection for 5th Sunday of Lent Year B - April 2, 2006
Sabi ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo. Mabubuhay kang malungkot ! Patay na kaming lahat… buhay ka pa!" hehehe… Hindi ito encouragement para malulon tayo sa bisyo. May mga tao lang kasi na sobra ang pag-iingat sa buhay. May mga iba na maraming pagbabawal sa buhay… bawal ang pork, hipon, karne, itlog…Nag-eenjoy pa kaya sila? Ang motto nga ng isang kaibigan kong may sakit: "If you eat you’ll die. If you don’t eat you’ll die. You will die just the same… so why not eat and die!" May warning si Jesus tungkol dito: "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito…" Mark the word… LABIS! Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong! "Ngunuit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan." Hindi ibig sabihin na we should hate life! Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!" Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay. At iyon ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-denial". Pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay. Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer, text, etc… Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba. Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa… Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama… may pagpatay na buhay ang ibinibigay… R u ready to die?