WISH KO LANG… : Reflection for the 2nd Sunday of Easter - B, April 23, 2006
"Ano ang birthday wish mo?" Tanong ko sa isang bata, sabay wagayway ng kanyang kamay at ala Ms. Universe na sinabing…"World Peace!" Kung minsan nagiging laman ito ng ating mga biro ngunit kung ating iisipin ang "kapayapaan" ang napakailap at mahirap makamtan. Kaya nga hanggang "wish ko lang…" ang pagkakaroon nito! Akala natin may kapayapaan kapag wala ng digmaan. Akala natin may kapayapaan kapag nagresign na ang ating mga pinuno. Akala natin may kapayapaan kapag nagpalit na ang uri ng gobyerno. Akala natin may kapayapaan kapag may kabuhayan na ang mahihirap… Kailan ba magkakaroon ng kapayapaan? Saan ba manggagaling ito? Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos Niyang muling mabuhay… "Peace be with you!" Higit pa sa kawalan ng kaguluhan o ingay, ang kapayapaang nagmumula kay Kristo na kanyang handog sa atin. Kapayapaan na matatamo lamang ng isang pusong pinaghaharian ng Diyos… hindi ng ambisyon, kayamanan, kapangyarihan… Ang "world peace" ay mananatiling "wish ko lang" kung wala sa puso ng bawat isa ang pagpapatawad, pag-unawa, pagmamahal… Sa pagpapatuloy natin sa pagninilay ng biyayang kaloob ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ay hingin nating pagharian Niya nawa ang ating mga puso at pagkalooban ito ng tunay na kapayapaan… ng sa gayon ay maitaguyod natin ang isang mundong mapayapa… sana… WISH KO LANG…