DA VINCI CODE: DAPAT BANG PANIWALAAN? : Reflection for 5th Sunday of Easter: May 14, 2006
Nasa National Bookstore ako ng biglang may lumapit sa aking isang kakilala at nagtanong: "Father, anung masasabi ninyo sa librong "Da Vinci Code? Totoo ba yun?" Hinila ko sya at dinala sa lugar ng librong tinaguriang bestseller. "Aber, saang bahagi siya ng mga libro nakalagay?" Tanong ko sa kanya. "Fiction po!" Sagot ko… "Ayun naman pala eh… bakit nagtatanong ka pa?" Haaay naku! Mahirap sa ating mga Pilipino, masyado tayong nilunod ng mga "telenobela" at "fantasya" kaya kung minsan ay hindi na natin malaman ang kaibahan ng kathang isip at kasaysayan. Maraming nagsasabing ang ipapalabas na pelikulang "Da Vinci Code" ay maaaring makasira sa pananampalatayang Katoliko. Ganun ba talaga yun? Kung sabagay, marami kasi sa atin ang "balat-sibuyas" sa pananampalataya. Marami sa atin ang Katoliko lamang sa baptismal certificate. Marami sa atin ang madaling madala sa kapitulo at bersikulo ng ilang sikat na mangangaral… Ang sabi ng Simbahan: dapat nating palalimin ang ating kaalaman sa pananampalataya. Basahin, pag-aralan at unawain ang Bibliya. At higit sa lahat isabuhay ang nilalaman nito. Ito ang ibig sabihin ni Jesus ng Kanyang sabihing ang bawat Kristiyano ay dapat "mamunga ng sagana". Dapat nating malagpasan ang mala-fantasyang pag-intindi sa ating pananampalataya. Hindi "fiction" ang pagiging Kristiyano… ito ay "tunay" na nakatapak sa lupa. Hindi "doktrinang sinasaulo" ngunit "katotohanang isinasabuhay". Hindi ang Da Vinci Code ang sisira sa ating pananampalatya kundi ang iskandalong ipinapakita ng mga Kristiyanong doble-kara sa pagsasabuhay sa kanilang pinaniniwalaan. Mga kristiyanong nanglalamang sa kapwa, walang pakialam sa lipunan, naninira sa dangal ng iba, nagbibigay ng imoral na halimbawa… sila ang dapat katakutan. Ang "Da Vinci Code" ay kathang isip lamang. Ang tunay ay ang ating pang-araw-araw na Kristiyanong Pamumuhay… "Fiction" din ba ang pagka-Kristiyano mo?