ANUNG GINAWA MO? : Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year B - 23, 2006

"Panginoon… napakaraming nasalanta ng bagyong Florita. Ang daming naghirap at namatay… anung ginawa mo? Maraming OFW’s ang di makauwi dahil sa digmaan sa Lebanon… mabagal kumilos ang pamahalaan… marami ang nag-aalala at naghihirap… anung ginagawa mo?" tanong ng isang lalaking nagdarasal. Laking pagkagulat niya ng sumagot ang Diyos. "Iho… may ginawa ako. Ginawa kita. Ikaw ano naman ang ginagawa mo?" Kung minsan ang galing nating umangal sa Diyos. Kawawa naman Siya. Buntunan ng sisi. Pag may biyaya tayong tinanggap nakakalimutan nating magpasalamat. Pag may nangyaring masama… tampong pururot tayo sa Kanya. Ang hirap nating i-explain! Hindi nagkukulang ang Diyos sa atin. Siya pa rin ang mabuting pastol na may malasakit sa kanyang mga tupa. Sa ebanghelyo sinabing: "nahabag siya sa kanila (sa maraming tao) sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" Kung naririto lamang si Hesus sa kanyang anyong katawan ngayon ay gayun pa rin marahil ang kanyang mararamdaman. Pero may ginawa siya… ginawa niya tayo! Bilang kanyang tagasunod, tayo rin ay matatawag na mabuting pastol. Ano ang nararamdaman mo kapag napapanood mo sa TV o naririnig sa radio ang maraming paghihirap ng mga tao? May parehong masalasakit ka rin ba? May ginawa ka na bang konkreto para makatulong sa kanila o sa iyong kapwang nangangailangan? Ginawa ka niya… ano na ang nagawa mo?