DARNA? : Reflection for the Solemnity of the Assumption of Mary - August 15, 2006
Nung bata pa ako hangang-hanga ako sa mga superhoes. Bilib ako sa angkin nilang kapangyaharian lalo na ang kakayahan nilang lumipad. Naging avid fan ako ni Darna (Si Vilma Santos pa nun at Roderick Paulate!). Mapa-sine man o comics ay wala akong pinalalagpas (lalo na ngayong si Angel Locsin na ang gumanap sa papel na ito.) Ngunit ang mga ito ay kathang isip lamang. Wala naman talagang Darnang lumilipad! Eto ang totoo… may isang nilalang na pumailanlang sa langit katawan at kaluluwa! Hindi siya sa Superhero na katulad ni Darna. Isang simpleng babaeng taga Nazareth, Galilea ang pinagkalooban ng Diyos ng biyaya na pakatapos ng kanyang buhay dito sa lupa ay iniakyat sa langit katawan at kaluluwa! Ito ang ipinahayag ni Pope Pius XII noong November 1, 1950: "The Immaculate Mother of God, Mary ever Virgin, when the course of her earthly life was finished, was taken up body and soul into the glory of heaven." Ang biyayang ito ay ipinagkaloob ng Diyos kay Maria sapagkat siya ang hinirang na Ina ng Diyos at dahil sa kanyang katapatan sa pagtupad nito. Tayo rin, kung mananatiling tapat sa ating bokasyon bilang isang Kristiyano ay papalarin din, katulad ng Mahal na Birhen, na marating ang langit at makamtan ang gantimpala ni Kristo.