HINDI PO AKO GUTOM! : Reflection for the 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 20, 2006
"Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay… hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" May tama din naman ang bata. Ang pagkagutom ay di lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal, etc… Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya’t inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "I am the Living Bread came down from heaven. He who eats this bread lives forever…" Mapalad tayo dahil maari natng tanggapin ang pagkain ito linggo linggo… araw-araw! Bilangin mo ang mga komunyong tinanggap mo… madami na di ba? Anung epekto nito sa ‘yo? Nagbabago na ba ang pag-uugali mo? Nagiging mas mapagmahal ka ba sa yong kapwa? Mapagpatawad sa yong mga kaaway? Namumuhay na matuwid? Tanong lang…