KATOLIKO : Reflection for the 26th Sunday in Ordinary Time Year B - October 1, 2006

Isang mayamang matanda ang lumapit sa pari at hiniling na misahan ang kanyang namatay na alagang aso. Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang… 1 milyon pa naman ang ibabayad ko. Di bale, sa simbahan ng aglipay ko na lang siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Ginang… hindi puwede yan!!! Katoliko ang aso mo!" Ano nga ba ang ibig sabihin pag sinabing Katoliko ka? Sabi raw nila… tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba? Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi! Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat! Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinibigay ni Kristo para sa lahat… Kristiyano ka man o hindi. Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta. Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ganito rin ang kaligtasang alay ni Jesus… walang pinipili! Para sa lahat! Kaya nga’t kasalanan na natin kung tatanggihan natin ang Kanyang alok. Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba… walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. Katoliko ka ba? Magmahal ka…



