HU IS JESUS 4 U? : Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year B - September 17, 2006

Sa isang religion class ay tinanong si Erap: "Ano ang pangalan ng Diyos?" Agad sumagot ang bibong-bibong si Erap: "Harold po…" Galit na nagtanong uli ang sister: "Bakit Harold? San mo nakuha ang pangalang yon?" Sagot ni Erap: "Sister, di po ba dinarasal natin everyday… Our Father in heaven HAROLD be thy Name…" Sino nga ba ang Diyos? Ito rin ang tanong ni Jesus sa mga alagad: "Who do people say that I am?" Maraming survey result na sinabi ang mga alagad na pampapogi points para kay Jesus… "Ikaw daw si Juan Bautista… Ikaw daw si Propeta Elias…" Pero di bilib si Jesus sa survey… "But who do you say that I am?" Nagulat ang mga alagad… nasorpresa sila ni Jesus. Lagi nilang kasama si Jesus pero di nga nila alam kung sino ba talaga Siya… Mabuti na lamang at napuspos ng Espiritu Santo si Pedro: "Ikaw ang Mesiyas!" (ibig sabihin ay Tagapagligtas!) Matagal na nating kasama si Jesus. Sa katunayan ay tinaglay pa natin ang alyas niya (Kristo) sa ating pangalan bilang "KRISTIyano. Pero kilala ba natin siya? Sino ba ako para sa iyo? Magandang tanungin kung anung klase ng Diyos mayroon tayo sapagkat ito ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Kung ang Diyos natin ay parang "pulis" na laging nagbabantay ay katatakutan natin Siya imbis na mahalin. Kung ang Diyos natin ay parang "accountant" na naglilista ng ating "debit" at "credit" ay susukatin natin parati ang ating buhay sa mga nagawa nating mabuti at masama at malilimutan na ang personal na pakikipag-ugnayan sa Kanya. Maganda ang sagot ni Pedro: "Ikaw ang Mesiyas!" Talaga bang tinanggap ko na sa aking buhay si Jesus bilang aking tagapagligtas? Wala pa tayong muwang noong tayo ay bininyagan… ngunit ngayon malalaki na tayo! Alam na natin ang ibig sabihin ng pagpili sa Diyos… alam na natin ang kahihinatnan ng ating pagpili… Seryosohin natin ang ating pagiging Kristiyano… Sino ba si Jesus para sa ‘yo?