SINO ANG DAKILA? : Reflection for the 25th Sunday in Ordinary Time Year - B. September 24, 2006

Sino nga ba ang itinuturing na dakila? Ang sabi ng mundo… pag mayaman ka dakila ka! Pag nasa kapangyarihan ka dakila ka! Pag may cellphone kang 3G… sikat ka! Kapag naka-ipod ka… sosi ka! Kapag may wheels ka… Ok ka! Tama ba ito? E papaano kung ang cellphone ko ay Nokia 5110? Ang sounds ko walkman cassette pa rin? Ang wheels ko… commute lang sa jeep at tribike? Kawawa naman ako kung ganun… Ganito rin ang pag-iisip ng mga alagad ni Jesus. Dakila tayo kasi kasama natin ang Panginoon. Dahil sikat siya… sikat din tayo! Darating ang araw mauupo tayo sa kanyang tabi sa palasyo… "Eeeeng! Mali ata kayo mga tol…" sabi ni Jesus. Kumuha siya ng maliit na bata at ginawang halimbawa sa kanila… "Ang nais sa inyong maging dakila ay dapat matutong maglingkod…" Wow! Parang tinamaan ng mag-asawang sampal ang alagad. Hindi ata ganun ang kanilang iniisip. Ngunit ipinakita ni Jesus ang tunay na kadakilaan. Hindi lang sa salita ngunit higit sa lahat sa gawa. Si Jesus ay ang Panginoong naglilingkod. Paglilingkod na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay upang tayo ay mailigtas sa kasalanan. Nauunawaan ko ba ito bilang Kristiyano? Kung lahat lang sana tayo ay katulad ni Jesus sa ating pagpapakita ng "kadakilaan", marahil mababawasan ang kasamaan sa ating lipunan. Mababawasan ang mga corrupt sa pamahalaan, ang mga mapagsamantalang politiko, ang mga makasariling lider… etc. Higit sa lahat magiging kalugod-lugod ka sa Diyos. Gaya ng sinasabi sa aklat ni Sirac: "Habang ikaw ay lalong nagiging dakila, lalong dapat kang magpakababa, sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon…"