HAPPY “DEATHDAY?” : Reflection for All Saints’ Day - November 1, 2006
Masarap sigurong magbirthday sa November 1! Yung iba ayaw nila… kasi imbis na Happy birthday e… Happy Halloween ang bati sa kanila! Mas masakalap ang bati ng iba… HAPPY "DEATH DAY!" Araw nga naman kasi ng mga patay ngayon para sa atin! hehehe… Pero kung titingnan mo, OK ang magbirthday sa araw na ito… daming bisita (sa sementeryo lang nga!), daming kandila! (di lang nga nakatirik sa cake kundi sa puntod!), at dami ring bulaklak (pampatay lang nga!). Kung titingnan mo ang kulang na lang ay baloons and mascot! Pero kung gusto mo pa rin ay meron din naman… baloons na kulay orange at black… mascot na naka-horror costume! hehehe! Gusto mo pa rin bang birthday ang Nov. 1? Ako… gusto ko! Dahil sa kalendaryo ng Simbahan ang Nov. 1 ay ang ARAW NG MGA SANTO… ALL SAINTS’ DAY! Di ko nga alam kung bakit natin nakagawiang isabay ang pag-alala natin sa ating mga patay sa araw na ito! Isa lang ang nakikita kong dahilan… Dahil tayong mga Pilipino ay "very optimistic people". Ayaw nating maiisahan! Gusto natin na ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw ay nasa langit na… kasama ng mga santo! Kaya nga ang All Souls’ Day ay All Saints’ Day para sa atin! Maganda rin naman ang ganitong pag-iisip! Isang "fiesta" o masayang pagdiriwang ang dapat na iniaalay natin para sa ating mga kapatid na pumanaw na! Fiesta sapagkat kapiling na nila ang Diyos sa langit. Fiesta sapagkat kaisa natin sila sa kanilang kaligyahan! Sa paglipas ng araw na ito, wag natin silang kaligtaang ipagdasal… sapagkat sigurado akong sila naman ang magdarasal para sa atin kapag nakamit na nila ang gantimpala ng buhay na walang hanggan… Gusto mo pa bang magbirthday sa Nov. 1? Kung ako ang tatanungin… ITO ANG GUSTO KO!

Sino ba ang "sugo"? Si Richard Gutierrez ba? Ngeee! Halata ba akong kapuso? hehehe. Hindi si Capt. Barbel Richard ang tinutukoy ko. Ang mga tunay na sugo ang inaalala natin ngayong linggo sa pagdiriwang ng World Mission Sunday! Kung wala sila marahil walang kristiyanismo sa ating bansa. Kung wala sila marahil wala tayo ngayon. Masasabi nating utang natin sa kanila ang ating pagiging Kristiyano Katoliko. Nakakalungkot lang na nabahiran ng "Padre Damaso" ang ilan sa mga sugong ito at dahil sa kanila ay nasira na ang imahe ng tunay na sugo ni Kristo. Ngunit kung titingnan natin ay mas marami sa kanila ang naging tapat sa kanilang misyon at naging masigasig sa pagigiging saksi ni Kristo… sila ang ating pinararangalan ngayon! Nararapat silang parangalan sapagkat tunay silang naglingkod kay Kristo. Ang iba pa nga… nag-alay ng kanilang buhay… nagbuhos ng kanilang dugo para sa Panginoon. Kahanga-hanga sila! Isang aral ang mapupulot natin sa mga dakilang taong ito na binanggit din sa Ebanghelyo… Na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod: "Whoever wishes to be first among you will be the slave of all…" Wag lang nating ipagdasal ang mga misyonero. Gayahin din natin sila sa kanilang paglilingkod sapagkat lahat din naman tayo ay tinawag ni Jesus upang maging misyonero sa bawat isa. Isa ka ring… "SUGO!" 