DEAL OR NO DEAL! : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 15, 2006
"Paano ba ako magiging tunay na masaya?" Siguro isa rin ito sa mga tanong mo… Tanong din ito ng marami. Magbabad ka sa National Bookstore at makikita mong napakaraming librong naisulat tungkol dito. Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. "Good teacher, what must I do to inherit eternal life?" Ang "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan". Mabuting tao ang lalaki, masunurin sa batas… walang inaargabyadong tao, ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin…" Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya’y mayaman. Pero hindi nagbago ng sagot ni Jesus… para sa Kanya ito ay "deal or no deal!" Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig tungkol sa kanya. Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "goody-goody Christian" ba? Ang sagot ni Jesus: pagtalikod sa lahat ng mga "attachments" natin sa buhay at pagsunod sa Kanya… deal or no deal! Hindi nya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang hindi kayang iwanan sapagkat kahit ang mahirap ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng pagnanasa nito. Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dpat nating pahalagahan sa lahat… deal or no deal!