HAWAK-KAMAY: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time, Year B - October 8, 2006
"Hiwalay kung hiwalay!" sabi sa isang dating commercial sa TV. Bakit nga ba ganun ang mag-asawa? Parang ang dali nilang sabihing "Maghiwalay na tayo… tutal di naman tayo magkasundo!" Parang ang hirap nitong isipin pagkatapos ng mala-Romeo and Juliet na pagliligawan at mahabang panahon ng pagsusuyuan. Kung minsan tama ang matatanda kapag sinasabi nilang ang pag-aasawa ay "hindi parang kaning mainit na iluluwa mo kapag napaso ka sa pagsubo." Marahil isa ito sa misteryo ng pag-aasawa: Away-bati… masayang-malungkot… for better and for worst… Ang hirap talagang espelingin! Malinaw ang sinabi ni Jesus tungkol sa pag-aasawa… "what God has joined together, no human being must separate!" At ibinalik nya pa ang basehan nito sa paglikha ng tao bilang lalaki at babae: "and the two shall become one flesh." Yun naman pala… e bakit pinagpipilitan pa natin ang "divorce" at"legal separation?" Alam natin na walang pagsasamang perpekto sapagkat wala ring taong perpekto! Lahat may pagkukulang. Lahat may pagkakamali. Dahil dito lahat din ay nangangailangan ng pang-unawa… ng pagpapatawad… ng pagmamahal. Sana maunawaan natin ito. Magandang tingnan ang mag-asawa habang lumakad sila patungong altar… hawak- kamay! Mas maganda sana kung makikita pa rin silang magkahawak kamay sa sandali ng pagsubok… ng pag-aalinlangan… ng paghihirap. Pakinggan mo ang sinasabi ng isang kantang pinasikat sa Pinoy Dream Academy ni Yeng Constantino:
"Hawak-kamay! Di kita iiwan sa paglakbay
Dito sa mundong walang katiyakan
Hawak-kamay! Di kita iiwan sa paglalakbay
sa mundo ng kawalan…"
Ipagdasal natin ang mga pamilyang nahaharap sa matinding pagsubok. Ang mga mag-asawang may alinlangan sa kanilang pagsasama. Ang mga naghahangad na pasukin ang buhay na ito ng… hawak-kamay!