SIMPLY AMAZING! : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time, Year B - October 29, 2006
Kilala mo ba si John Newton? Nope hindi sya kapatid ni Isaac Newton! Lalo namang wala siyang relasyon kay Olivia Newton John. Siya ang may akda ng awit na "Amazing Grace!" Isang Christian Song na sikat na sikat lalo na sa ating mga kapatid na protestante. Sa katanuyan ay masyadong sikat ang kanta na pagkatapos ng mahigit na 246 years ay kinakanta pa rin ito hanggang ngayon! Sumikat ang kanta sa kadahilanang tinaglay nito ang kuwento ng buhay ni John Newton. Isa siyang taong "nalayo sa Diyos"… naligaw ng landas. Naging isang "slave driver" noong panahong iyon. Ngunit noong magkaroon siya ng isang "near-death experience" sa karagatan ay unti-unti niyang naramdaman ang "Grasya ng Diyos" na humihimok sa kanya upang magbago. "I once was lost…but now am found…was blind but now I see…" sabi ng kanta. Marahil ito rin ang puedeng maging theme song ni Bartimeus pagkatapos siyang pagalingin ni Jesus. Ang isang taong dating binabalewa sa lipunan dahilan sa kanyang kapansanan ay nakatagpo ng kahalagahan sa kanyang buhay ng nilapitan siya at pinagaling ni Jesus. "Nobody is insignificant for Jesus!" Lahat tayo ay mahalaga sa Kanya! Dapat magbigay ito sa atin ng sigla sa ating pagiging Kristiyano. Tingnan mo ang reaksyon ni Bartimeus ng tawagin siya ni Jesus: "He threw aside his cloak, sprang up, and came to Jesus!" Ganito rin ba ako ka-excited tuwing haharap ako sa Diyos? Linggo na naman, magsisimba ka… Excited ka ba dahil makakatagpo mo at tatanggapin si Kristo? O isa na namang nakasanayang gawain ang pagsisimba mo tulad ng pagpunta mo sa mall? Kung minsan mas excited pa nga tayo sa ating mga gimik at gala! Kung pag-iisipan lamang natin ang laki ng biyayang pinagkalaoob sa atin ng Diyos nung tayo ay Kanyang iniligtas nang inialay Niya ang Kanyang bugtong na Anak ay masasabi nating ang Kanyang biyaya ay "simply…. amazing!"