Archive for December, 2006

Bumabaha ng maraming prutas na bilog kapag papalapit na ang bagong taon. Swerte raw kasi yung bilog… magkakapera ka. Uso rin ang kasuotang kulay pula o polkadots… swerte rin daw sabi nila. Maraming nagbukas ng bahay kagabi kahit mausok ang mga paputok… para raw pumasok ang swerte! (Yung iba magnanakaw ang nakakuha ng swerte! hehehe…. Naniniwala ka ba sa mga pamihiing ito? Saan ba nakasasalalay ang swerte natin? Kung titingnan natin ang kapistahang pinagdiriwang ngayon ay malalaman natin kung saan nagmumula ang swerte! Kapistahan ngayon ni Maria bilang "Ina ng Diyos!" Yun ang tunay na swerte! Naging "Ina ng Diyos" si Maria… Ngunit ang kaswertehan niya ay di niya isinaalang-alang sa mga pamahiin subalit sa matapat na pagtupad sa kalooban ng Diyos. Nung siya ay pinili ng Diyos upang maging Kanyang ina ay hindi siya nagdalawang isip na sumunod sa Diyos bagamat hindi niya alam ang plano ng Diyos para sa kanya. Sa pagpasok ng bagong taon… maraming plano ang Diyos para sa atin! Ang swerte natin ay nakasalalay sa matapat na pagsang-ayon sa Kanyang plano. Dasalin natin kasama ni Maria…"Narito ang alipin ng Panginoon… maganap nawa sa kin ayon sa wika mo…" ISANG MAPAYAPANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
Posted on on December 31st, 2006 in
Uncategorized |
1 Comment »

Sabi daw ng statistics… maraming pinapanganak na kambal ngayon? "Bakit kaya?" Ang susunod na tanong. Ang sabi ng isang sagot: "Dahil takot ang batang isilang na mag-isa sa mundo!" Tama nga naman… sa dami ng problemang bumabagabag sa bawat pamily ngayon ay parang nakakatakot isilang sa mundo! Nariyan na ang abortion at contraception, idagdag pa natin ang divorce, disfunctional families, etc, etc… parang nakakatakot talaga na isilang sa mundo ngayon… Tinatapos natin ang taong ito sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose. Pinapaalala sa atin kung "ano dapat maging" ang isang pamilya. Ginawang banal ng Diyos ang bawat pamilya nung siya ay magkatawang tao… at pinabanal pa niya ito ng pinili niyang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Hindi sapagkat "holy family" ay perpekto na! Kahit ang Banal na Pamilya ay nakaranas ng sakit at pagkukulang. Halimbawa ang ebanghelyo ngayon. Ngunit ang isang katangian ng banal na pamilya ay ang marunong syang magmahal sa kabila ng maraming pagkukulang ng bawat isa. Ito ang maaari nating mapulot sa Banal na Mag-anak. Sila ay Banal sapagkat sila ay nagmamahalan sa kabila ng kanilang pagkukulang. Minamahal ko rin ba ang pamilyang kinabibilangan ko? Ano ang magagawa ko pa upang maitaguyod ang aking sariling pamilya? Simulan mo na…
Posted on on December 31st, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »

December 25 daw ang pinakamasayang araw sa kalendaryo… ang pinaka-malungkot…. December 26! Bakit? Kasi me hang-over pa sa party noong nakaraang gabi! Puyat at parang ayaw ng gumising dahil sa magdamagang kwentuhan, kantahan at sayawan. Masakit ang tiyan dahil sa mga di natunaw na pagkain nung noche buena. Butas ang bulsa dahil sa dami ng inaanak na namasko… Maraming pinggan at kalderong huhugasan… Maraming utang na dapat bayaran… kaya nga tama na 26 ang pinakamalungkot na araw sa ating kalendaryo! Yun ay kung hindi mo na-gets ang tunay na dahilan kung bakit tayo nagdiriwang ng Pasko. Kung ang ating Pasko ay panay panlabas na paghahanda at pagdiriwang at hindi natin naalalang batiin ang "birthday celebrant" at pasalamatan siya sa kanyang pagsilang ay talagang tapos na ang Pasko mo sa December 26. Sana hindi ganito ang nangyari sa ‘yo. Sana, hanggang ngayon, buhay ang diwa ng Pasko sa iyo. Wala ka mang tinanggap na regalo o aginaldo… wala ka mang bagong damit o sapatos… wala ka mang umento sa trabaho… ay dama mo pa rin ang Pasko… sapagkat si Kristo ang inilagay mo sa puso mo! MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT!
Posted on on December 30th, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »
"The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne
for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties,
Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the
seventies and above! Anuman ang amoy mo… iisa lang ang amoy ng Pasko! Ano
ba ang naamoy mo sa paligid mo? Hindi ba’t bakas ang kaligayahan sa mukha
ng bawat isa? Maglakad ka sa mall,
makikita mo na nakangiti ang mga tao na parang marami silang pera! Pagmasdan mo
ang mga ninong at ninang na hirap pagkasyahin ang budget sa dami ng kanilang
inaanak ay nakangiti pa rin. Ano ba ang nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa
atin sa araw ng Pasko? Ang awit ni Zacharias ay awit ng masayang papuri
sa Panginoon. Bakas kay Zacharias ang kaligayahan sapagkat gumawa ang
Panginoon ng kahanga-hangang bagay sa kanilang mag-asawa. Nilangap ng
Panginoon ang kanilang abang kalagayan at pinagkalooban sila ng anak.
Ngunit higit ang kanyang kaligayahan sapagkat dumarating na ang kaliwanagan sa
mundong balot ng kadiliman… darating na ang Anak ng Kataas-asan! Lubos ang
kanyang kagalakan sapagkat ang Diyos ay naging tapat sa kanyang pangakong
kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ang katapatang ito ng Diyos?
Nagiging tapat din ba ako sa aking pakikipagtipan sa Kanya lalo na sa pagtupad
ng aking mga pangako sa binyag? Ang tunay na kaligayahan ng Pasko ay
nasa katapatan ng ating pagsunod sa Kanya!
Posted on on December 22nd, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »
Alam mo ba ang
kahulugan ng pangalan mo? Sabi nila ay may kahulugan daw ang ating mga
pangalan. Di ko alam kong totoo… kasi masyado ng worldy o secular ang
mga pangalan ngayon. Di tulad ng dati, kinukuha pa sa kalendaryo ang
pangalang ibinibigay sa bata ayon sa Patron o santong ipinagdiriwang sa araw ng
kapanganakan. Kung ang pangalan mo ay may pagkaluma ang dating halimbawa
ay "Candelario" o "Immaculada" ay wag ka ng mabigla…
kabilang ka sa mga pangalang sinauna! Sa Bibliya ay iba ang ibig sabihin ng
pangalan. Laging kakambal nito ang misyon na iniaatang sa isang
tao. Halimbawa ay "Abraham" na ang ibig sabihin ay ama ng
maraming lahi. "Pedro" na ang ibig sabihin ay bato. At
"Juan" na ang ibig sabihin ay "God is gracious!" …
mabait ang Diyos! Ito ang ipinangalan nina Zacarias at
Elizabeth sa kanilang anak sapagkat nagpakita ng kabaitan ang Diyos sa kanila
ng biniyayaan sila ng anak sa kabila ng kanilang katandaan. Mabait ang Diyos sapagkat naging tapat Siya sa
Kanyang pangakong kaligtasan sa tao. Kung ang Diyos ay nagpakita ng kabaitan sa atin…dapat
tayo rin sa Kanya. Maging "mabait" tayo sa Diyos.
Mabait sa pagtupad sa Kanyang mga utos. Huwag tayong magsawa sa Kanyang
kabaitan sapagkat kailanman, sa kabila ng ating pakasuwail na anak, ang Diyos
ay patuloy pa ring mabait sa atin. "Good is good… all the
time!"
Posted on on December 21st, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »
Sa ingles ang
salitang pasasalamat ay "thanksgiving". Kung
susuriin natin ay may dalawang salita: hindi lang "thanks"…
meron din dapat na "giving". Ito ang kalimitang
nakakaligtaan natin, na ang tunay na pasasalamat ay mayroong
"pagbibigay". Meron kang ibibigay sa sarili mo bilang
pagpapakaita ng iyong pasasalamat. Ganito ang ginawa ni Ana sa unang
pagbasa. Ibinigay niya si Samuel sa Panginoon pagkatapos na ipagkaloob
ito sa kanya. Hindi madali ang mawalan ng anak lalo pa’t
siya’y hiningi niya sa Panginoon. Ito rin ang ginawa ni Maria…
ibinigay niya ang kanyang buong sarili at itinalaga ito sa Panginoon pagkatapos
niyang tanggapin ang alok na maging ina ng Diyos. Kaya nga’t dapat na
isang awit ng papuri ang mamutawi sa kanyang bibig sapagkat gumawa sa kanya ang
Panginoon ng mga dakilang bagay. Sana ito rin ang taglayin natin bilang
Kristiyano. Isang pusong puno ng pasasalamat ngunit pasasalamat na
mayroong ibibigay… ang pagtatalaga ng ating sarili sa Diyos. Totoo na
mahirap matularan ang katapatan ni Maria ngunit hindi ito dahilan upang hindi
magbigay ng ating sarili sa Diyos… Ihandog natin sa Kanya ang ating
kahinaan at karupukan bilang tao at Siya na ang bahala sa atin…
Posted on on December 21st, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »
Kung lalagyan natin ng theme song ang gospel ngayon ay
puwede ito: "Malayo man, malapit din pilit pa rin mararating, wag
lamang masabi mong…di kita ginigiliw!" Matuwa ka pag di ka makarelate sa kanta, ibig
sabihin ay nasa "new generation ka na!" hehehe… Luma na kasi yung
kanta. Isa sa mga kantang natutunan ko sa lola ko. Pero maganda yung
sinasabi ng lyrics… sa isang taong nagmamahal, walang malayo! Ito ang
nangyari sa Mahal na Birhen. Sa laki ng pagmamahal niya sa kanyang
pinsang si Elizabeth ay di niya inalintana ang hirap at pagod para lamang
mabisita siya. Karaniwan na sa atin ang ipagpabukas ang paggawa ng
mabuting bagay. Masyadong malakas sa atin ang "manyana
habit". Mamya na lang ako tutulong, mamya na lang ako gagawa ng
mabuti, mamya na lang ako… Si Maria ay di nag-atubiling tulungan ang
kanyang pinsan ng malaman niyang nagdadalantao ito sa pagbalita ng anghel. Sana
tayo rin, di nagdadalawang isip kapag paggawa ng kabutihan ang pinag-uusapan.
Sabi nga natin: "Kung gusto mo may paraan… kung ayaw mo may
dahilan!"
Posted on on December 20th, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »
Limang araw na lang… Pasko na! Nadarama mo na ba ang sakripisyo ng Simbang Gabi? Puyat… pagod… gutom… Kakayanin mo pa ba ang natitirang mga araw? Konting tiis na lang… malapit na! Kahit sa ating liturhiya ngayon sa Misa ay madarama natin ang papalapit na pagdiriwang ng Pasko. Sa katanuyan ang tawag sa Misa natin ngayon ay "Misa Aurea" o Golden Mass, sapagkat ginugunita natin sa pagbasa ang Pagbati ng Anghel sa Mahal na Birhen o ang pagsisimula ng buhay ni Jesus. Ang plano ng Diyos ay naisakatuparan dahil sa kababang-loob at kagandahang loob ng isang simpleng babae sa Nazareth… ang Mahal na Birheng Maria! Sinurpresa ng Panginoon si Maria sa paanyayang maging Ina ng Diyos. Ang Diyos… nanira na naman ng plano ng isang tao! Kakaiba talaga Siya! Ngunit para sa Mahal na Birhen, ang plano ng Diyos ay kanya na ring plano. Sa kanyang kababang-loob ay nakita niya ang kanyang abang kalagayan at sino sya upang hindi sumunod sa kalooban ng Diyos? Ganoon din ba tayo sa harapan ng Panginoon? Kung minsan ay nauunahan tayo ng ating "pride" at hindi na maka-eksena ang Diyos sa ating buhay. Hindi na "sundin ang loob Mo" ang ating dasal kundi "sundin ang loob ko…" Simulan na nating maghari ang Diyos sa ating buhay. Katulad ni Maria sabihin natin: : "Ako’y alipin ng Panginoon, maganap nawa sa akin ayon sa wika mo…"
Posted on on December 19th, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »
Ano ang kaibahan ng "misteryo" sa "milagro"? Siret? Ang babaeng 18 years old pag nabuntis… misteryo! Pag 80 years old… milagro! hehehe… Ito ang nangyari kay Elizabeth na asawa ni Zacarias… milagro! Totoo, ang Diyos ay gumawa ng milagro sa kapwa matandang mag-asawang ito upang ipakita ang kanyang kabutihan at kadakilaan. Nakakalungkot lang nga at hindi agad naniwala si Zacarias at dahil doon siya ay napipi… hanggang sa araw na ipanganak si Juan. Kakaiba sa inasal ni Jose nung ang anghel ng Diyos ay magpakita sa kanyang panaginip. Siya ay naniwala! Kalimitan ay mahirap espelingin ang Diyos. Mahilig siyang magbigay ng surpresa sa atin! Kung sabagay… sabi nga sa Book of Psalms: "Your thoughts are not My thougts… nor your ways My ways." Kung minsan ang dapat lang nating gawin ay magtiwala sa Kanya. Bumagsak ka ba sa exam? Nawalan ka ba ng trabaho? Binasted ka ba ng syota mo? Manalig ka… maaring gumawa ng milagro ang Diyos sa iyo… sa kanya… walang imposible!
Posted on on December 19th, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »
Naniniwala ka ba sa panaginip? Ang sabi ng matatanda, kabaliktaran daw ang panaginip. Ang tito ko naman pag may panaginip agad may katumbas na numero at tataya agad sa lotto! hehe… Ano man ang sabihin nila tungkol sa panaginip, sa Ebanghelyo ngayon ito ay ginamit ng Diyos upang ipaalam kay Jose ang tunay na pangyayari tungkol kay Maria na binabalak niyang hiwalayan ng tahimik sapagkat naratnan niya itong nagdadalan-tao. Mabuting tao si Jose, sabi nga ng Bibliya "He was a just man!" Isang mataas na papuri na maaring tanggapin ng isang lalaking Hudyo. Ayaw niyang mapahiya at mapahamak si Maria. Ayaw nyang magfile ng demanda! Ayaw niyang pahiyain ang kanyang asawa. Nakita ng Diyos ang kabutihan ni Jose kaya’t binigyan niya nito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus. Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyari ang gusto ko? O mabilis akong magtampo sa Kanya? May plano ang Diyos para sa atin... ang ating dapat gawin… sundin ang Kanyang plano at siguradong di tayo magkakamali!
Posted on on December 19th, 2006 in
Uncategorized |
No Comments »