AMOY PASKO NA! : Reflection for the 9th Day of Christmas Novena, Year C - December 24, 2006
"The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne
for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties,
Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the
seventies and above! Anuman ang amoy mo… iisa lang ang amoy ng Pasko! Ano
ba ang naamoy mo sa paligid mo? Hindi ba’t bakas ang kaligayahan sa mukha
ng bawat isa? Maglakad ka sa mall,
makikita mo na nakangiti ang mga tao na parang marami silang pera! Pagmasdan mo
ang mga ninong at ninang na hirap pagkasyahin ang budget sa dami ng kanilang
inaanak ay nakangiti pa rin. Ano ba ang nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa
atin sa araw ng Pasko? Ang awit ni Zacharias ay awit ng masayang papuri
sa Panginoon. Bakas kay Zacharias ang kaligayahan sapagkat gumawa ang
Panginoon ng kahanga-hangang bagay sa kanilang mag-asawa. Nilangap ng
Panginoon ang kanilang abang kalagayan at pinagkalooban sila ng anak.
Ngunit higit ang kanyang kaligayahan sapagkat dumarating na ang kaliwanagan sa
mundong balot ng kadiliman… darating na ang Anak ng Kataas-asan! Lubos ang
kanyang kagalakan sapagkat ang Diyos ay naging tapat sa kanyang pangakong
kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ang katapatang ito ng Diyos?
Nagiging tapat din ba ako sa aking pakikipagtipan sa Kanya lalo na sa pagtupad
ng aking mga pangako sa binyag? Ang tunay na kaligayahan ng Pasko ay
nasa katapatan ng ating pagsunod sa Kanya!