PANAGINIP: Reflection for the 3rd Day of Christmas Novena Year C, December 18, 2006
Naniniwala ka ba sa panaginip? Ang sabi ng matatanda, kabaliktaran daw ang panaginip. Ang tito ko naman pag may panaginip agad may katumbas na numero at tataya agad sa lotto! hehe… Ano man ang sabihin nila tungkol sa panaginip, sa Ebanghelyo ngayon ito ay ginamit ng Diyos upang ipaalam kay Jose ang tunay na pangyayari tungkol kay Maria na binabalak niyang hiwalayan ng tahimik sapagkat naratnan niya itong nagdadalan-tao. Mabuting tao si Jose, sabi nga ng Bibliya "He was a just man!" Isang mataas na papuri na maaring tanggapin ng isang lalaking Hudyo. Ayaw niyang mapahiya at mapahamak si Maria. Ayaw nyang magfile ng demanda! Ayaw niyang pahiyain ang kanyang asawa. Nakita ng Diyos ang kabutihan ni Jose kaya’t binigyan niya nito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus. Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyari ang gusto ko? O mabilis akong magtampo sa Kanya? May plano ang Diyos para sa atin... ang ating dapat gawin… sundin ang Kanyang plano at siguradong di tayo magkakamali!