PASKO: Reflection for Christmas - December 25, 2006

December 25 daw ang pinakamasayang araw sa kalendaryo… ang pinaka-malungkot…. December 26! Bakit? Kasi me hang-over pa sa party noong nakaraang gabi! Puyat at parang ayaw ng gumising dahil sa magdamagang kwentuhan, kantahan at sayawan. Masakit ang tiyan dahil sa mga di natunaw na pagkain nung noche buena. Butas ang bulsa dahil sa dami ng inaanak na namasko… Maraming pinggan at kalderong huhugasan… Maraming utang na dapat bayaran… kaya nga tama na 26 ang pinakamalungkot na araw sa ating kalendaryo! Yun ay kung hindi mo na-gets ang tunay na dahilan kung bakit tayo nagdiriwang ng Pasko. Kung ang ating Pasko ay panay panlabas na paghahanda at pagdiriwang at hindi natin naalalang batiin ang "birthday celebrant" at pasalamatan siya sa kanyang pagsilang ay talagang tapos na ang Pasko mo sa December 26. Sana hindi ganito ang nangyari sa ‘yo. Sana, hanggang ngayon, buhay ang diwa ng Pasko sa iyo. Wala ka mang tinanggap na regalo o aginaldo… wala ka mang bagong damit o sapatos… wala ka mang umento sa trabaho… ay dama mo pa rin ang Pasko… sapagkat si Kristo ang inilagay mo sa puso mo! MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT!