WHAT’S IN A NAME? : Reflection for the 8th Day of Christmas Novena, Year C - December 23, 2006
Alam mo ba ang
kahulugan ng pangalan mo? Sabi nila ay may kahulugan daw ang ating mga
pangalan. Di ko alam kong totoo… kasi masyado ng worldy o secular ang
mga pangalan ngayon. Di tulad ng dati, kinukuha pa sa kalendaryo ang
pangalang ibinibigay sa bata ayon sa Patron o santong ipinagdiriwang sa araw ng
kapanganakan. Kung ang pangalan mo ay may pagkaluma ang dating halimbawa
ay "Candelario" o "Immaculada" ay wag ka ng mabigla…
kabilang ka sa mga pangalang sinauna! Sa Bibliya ay iba ang ibig sabihin ng
pangalan. Laging kakambal nito ang misyon na iniaatang sa isang
tao. Halimbawa ay "Abraham" na ang ibig sabihin ay ama ng
maraming lahi. "Pedro" na ang ibig sabihin ay bato. At
"Juan" na ang ibig sabihin ay "God is gracious!" …
mabait ang Diyos! Ito ang ipinangalan nina Zacarias at
Elizabeth sa kanilang anak sapagkat nagpakita ng kabaitan ang Diyos sa kanila
ng biniyayaan sila ng anak sa kabila ng kanilang katandaan. Mabait ang Diyos sapagkat naging tapat Siya sa
Kanyang pangakong kaligtasan sa tao. Kung ang Diyos ay nagpakita ng kabaitan sa atin…dapat
tayo rin sa Kanya. Maging "mabait" tayo sa Diyos.
Mabait sa pagtupad sa Kanyang mga utos. Huwag tayong magsawa sa Kanyang
kabaitan sapagkat kailanman, sa kabila ng ating pakasuwail na anak, ang Diyos
ay patuloy pa ring mabait sa atin. "Good is good… all the
time!"