NASAAN ANG DIYOS? : Reflection for the 2nd Sunday in Ordinary Time Year C - January 14, 2007

"Pedro… saan natin makikita ang Diyos?" tanong ng titser. "Sa Simbahan po, sa may tabernakulo." sagot naman ng bata. "Magaling! Saan pa?" tanong uli ng titser. Sagot ang isang estudyante: "Sa loob po ng kumpisalan, kapag may nagkukumpisal." "Magaling!" tuwang-tuwa na sagot ng titser. "At ikaw Juan… late ka naman. Saan mo makikita ang Diyos?" Sagot ni Juan…" Ma’m sa loob po ng banyo namin!" "Ano?!!! Paanong napunta sa loob sa loob ng banyo nyo ang Diyos?" Pasigaw na sagot ng titser. Sagot ni Juan: "Kasi po, kaninang umaga, narinig ko ang nanay ko na sumisigaw sa kapatid kong nasa loob ng banyo: ‘Diyos ko… ang tagal mo… kelan ka ba lalabas?" Tunay na ang Diyos ay nagpapakita sa atin. Ang ebanghelyo ngayon ay ang kumumpleto sa tinatawag nating "Epiphany of the Lord". Una ay ang pagdalaw ng mga mago, pangalawa ay ang pagbibinyag sa kanyan sa ilog Jordan, at ang pangatlo ay ito: Ang unang himala na ginawa niya sa Cana ng Galilea. Anung ipinakita ni Jesus dito tungkol sa kanya? Dapat nating makita ang mga simbolismong ginamit sa kwento. Una ay ang paggamit ng kasalan na nangangahulugan sa pag-ibig ng Diyos sa tao. Pangalawa ay ang "tapayan" na ginagamit sa ritwal ng paglilinis ng mga hudyo. At pangatlo ay ang "alak" na simbolo ng galak sa pagdating ng Mesiyas. Sinasabi ng kwento na si Jesus ay ang Mesiyas na dumating upang simulan ang bagong panahon… panahon ng paglilinis na muling mag-uugnay sa naputol na relasyon ng Diyos sa tao gawa ng kasalanan. Ngunit imposible itong mangyari kung walang pakikiisa natin. Ang sabi ni Maria: "Do whatever he tells you…" Hanggat walang pakikiisa ang tao, hindi naisasakatuparan ng Diyos ang kanyang gawaing pagliligtas. Nakikiisa ba ako sa plano ng Diyos?