PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for February, 2007


TUKSO : Reflection for the 1st Sunday of Lent, Year C - February 25, 2007

Bib1034
Isang matandang pari ang nagsesermon sa Misa tungkol sa tukso:  "Kaming mga pari, pag umabot na sa 60 years old… ay hindi na tinatablan ng tukso." Sa sandaling iyon ay biglang may pumasok sa simbahan na seksing babae na maganda at maputi. Napalingon ang pari at sabay sabi:  "Ngunit sa aking palagay ay maari pa itong pag-usapan… hanggang 70 siguro." Hay naku!  Sino ba naman ang hindi tinatablan ng tukso… kahit sino puwede… Si Jesus nga tinukso rin ng diyablo e!  Ang pagtutungaling ito ng mabuti at masama ay nasa ating lahat.  Sabi nga ni San Pablo: "Hindi ko maintindihan ang sarili ko… ang mabuti na dapat kong gawin ay di ko ginagawa… at ang masama naman na dapat kong iniiwasan ang siyang ginagawa ko."  Pero hindi ito dahilan upang magpatalo tayo sa tukso.  Ang unang Linggo ng Kuwaresma ay nagpapaalala sa atin ng dalawang paraang maari nating gamitin upang labanan ang tukso… panalangin at pag-aayuno.  May panahon pa ba ako para magdasal?  Kaya ko bang gumawa ng sakripisyo upang madisiplina ang aking sarili?  Pag-isipan natin…

SA ABO NAGMULA: Reflection for Ash Wednesday - February 21, 2007

Cat1008
"Nagmula sa lupa… magbabalik na kusa… ang buhay mong sa lupa nagmula…"
Sounds familiar?  Korek! Kanta yan ni Rico J. pero meron pang mas pamilyar na paalala sa akin yan… "Tandaan mo tao na sa alabok ka nagmula at sa alabok ka rin babalik…" Karaniwan nating naririnig ito kapag sumasapit ang Miyerkules ng Abo.  Ang pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo ang naghuhudyat sa pagsapit ng panahon ng Kuwaresma… ang apatnapung araw ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ni Kristo.  Araw ngayon ng pag-aayuno at abstinensya na kung saan ay gumagawa tayo ng mga sakripisyo upang makiisa sa paghihirap ni Jesus at gawing banal ang panahong ito.  Tatlong paraan ang minumungkahi ng Simbahan:  Una, palalimin ang ating buhay-panalangin. Baka sa sobrang abala natin sa buhay ay nakakalimutan na natin ang May-akda ng buhay.  Pangalawa ay ang paggawa ng mga mga sakripisyo o "penances"; kasama na rito ang pag-aayuno… upang madisiplina natin ang ating katawan at masupil ang pita ng laman.  Pangatlo ay ang kawanggawa sa kapwa…  upang mabawasan ang ating pagiging makasarili at maisapuso natin ang pagtulong sa mga nangangailangan.  Kapag nilagyan ka ng abo sa noo alalahanin mo ang tatlong gawaing ito. Ang ating buhay, bagamat abo, ay magkakaroon ng kahulugan kung iaalay natin sa Diyos… 

KAAWAY MO… MAHALIN MO : Reflection for the 7th Sunday in Ordinary Time Year C - February 18, 2007

Bib1015
Isang Katolikong pari ang nakakulong sa concentration camp. Kinutya sya ng isang sundalo at sinabing: "Hindi ba turo sa inyong mga Katoliko na kapag kayo ay sinampal sa isang pisngi ay dapat ibigay ninyo ang kabila?"  Biglang sinampal ng kawal ang pari.  Laking pagkagulat niya ng iniharap ng pari ang kabilang pisngi. Muli siyang sinampal ng kawal at pagkatapos ay pakutyang tinawanan ang pari.  Tinitigan siya ng pari at sinabing:  "Ginoo, natupad na ang nakasulat sa Kasulatan…."  Sabay suntok sa sundalo! 
hehehe… Totoo nga naman na mahirap ang magbigay ng patawad.  Hindi kasi normal yun!  Ang sabi nga ng batas sa Lumang Tipan: mata sa mata, ngipin sa ngipin!  Mahirap magpatawad lalo na’t naargabyado ka.  Ngunit si Jesus sa Ebanghelyo ay hindi lamang nakuntento sa pagpapatawad… Hinigitan pa niya ito ng kanyang sinabing: "Mahalin mo ang kaaway mo…" Kabaliwan! Paano natin mamahalin ang kaaway natin?  Pero ito naman talaga ang hinihingi ng Ebanghelyo… mahigitan natin ang normal na uri ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating mga kaaway.  Hindi ganoon kadali sapagkat nangangahulugan ito na dapat nating makita ang mukha ni Kristo sa ating mga kaaway.  Kaya mo ba ito?

ANG TUNAY NA MAPALAD : Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year C - February 11, 2007

Bib1065
Pinasok ng isang magnanakaw ang isang jewelry shop.  Ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas, ang ginawa niya ay pinagpalit-palit ang mga "tag price" nito.  Ang presyo ng mga tunay at  mamahaling alahas ay ipinalit sa presyo ng mga peke at mumurahing alahas.
Hulaan nyo kung ano ang nangyari kinabukasan…?  Nalito ang mga bumibili!  Hindi na alam kung ano ang tunay sa peke… kung ano ang mamahalin at mumurahin.  Nung binanaggit ni Jesus ang aral tungkol sa "Mapapalad" o "Beatitudes" ay marami ang nalito.  Paanong magiging mapalad ang mga mahihirap? Ang mga nagugutom..? Ang mga tumatangis..?  Iba nga naman kasi ang sinabi ng mundo: "Mapalad ka kung marami kang kayamanan. Mapalad ka kung marami kang pera… kung sikat ka at kilala ka… "  Hindi tayo ginugulo ni Jesus.  Ibinabalik niya lamang sa tama ang "presyo."  Ang tunay na sukatan ng pagiging mapalad ay hindi kung anung meron ka ngunit kung… sino ka!  Ang ating pagiging anak ng Diyos ang kadahilanan ng ating pagiging mapalad… Wag sana nating ipagpalit ang karangalang ito sa mga "pangako ng mundo" na kumukupas at lumulipas…

PAGKABABOY: Reflection for the 5th Sunday in Ordinary Time Year C - February 4, 2007

Bib1026
Merong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na nagpapayabangan kung sino sa kanila ang may "pinakamay-silbi" sa buhay ng tao.  Sabi ng manok, "Sa palagay ko ay ako… sapagkat, walang palya kung magbigay ako ng itlog sa mga tao." Sagot ng baka: "May hihigit pa ba sa sariwang gatas na ibinibigay ko araw-araw?"  Tahimik ang baboy.  Di nga naman siya nangingitlog… at lalong di s’ya nagbibigay ng gatas (ewan ko kung nakatikim ka ng ng gatas ng baboy? hehehe…) pero dahil "year of the pig" di dapat s’yang matalo kaya sabi nya… "Ako… ang kaya ko lang bigay ay ang aking buong pagkababoy… ang aking karne at dugo!"  Ang tawag dyan sa ingles ay "total commitment".  Ito rin ang ibinigay ng mga mangingisdang sina Simon, Juan at Santiago. "They… left everything and followed him."  Ang pagtawag ni Jesus ay para rin sa ating lahat.  Tinatawagan tayong "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano.  Tandaan mo… Hindi ka pupunta sa langit o sa impiyerno na nag-iisa… lagi kang may isasama… Saan mo sila dadalhin?