ANG TUNAY NA MAPALAD : Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year C - February 11, 2007

Pinasok ng isang magnanakaw ang isang jewelry shop. Ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas, ang ginawa niya ay pinagpalit-palit ang mga "tag price" nito. Ang presyo ng mga tunay at mamahaling alahas ay ipinalit sa presyo ng mga peke at mumurahing alahas. Hulaan nyo kung ano ang nangyari kinabukasan…? Nalito ang mga bumibili! Hindi na alam kung ano ang tunay sa peke… kung ano ang mamahalin at mumurahin. Nung binanaggit ni Jesus ang aral tungkol sa "Mapapalad" o "Beatitudes" ay marami ang nalito. Paanong magiging mapalad ang mga mahihirap? Ang mga nagugutom..? Ang mga tumatangis..? Iba nga naman kasi ang sinabi ng mundo: "Mapalad ka kung marami kang kayamanan. Mapalad ka kung marami kang pera… kung sikat ka at kilala ka… " Hindi tayo ginugulo ni Jesus. Ibinabalik niya lamang sa tama ang "presyo." Ang tunay na sukatan ng pagiging mapalad ay hindi kung anung meron ka ngunit kung… sino ka! Ang ating pagiging anak ng Diyos ang kadahilanan ng ating pagiging mapalad… Wag sana nating ipagpalit ang karangalang ito sa mga "pangako ng mundo" na kumukupas at lumulipas…