KAAWAY MO… MAHALIN MO : Reflection for the 7th Sunday in Ordinary Time Year C - February 18, 2007

Isang Katolikong pari ang nakakulong sa concentration camp. Kinutya sya ng isang sundalo at sinabing: "Hindi ba turo sa inyong mga Katoliko na kapag kayo ay sinampal sa isang pisngi ay dapat ibigay ninyo ang kabila?" Biglang sinampal ng kawal ang pari. Laking pagkagulat niya ng iniharap ng pari ang kabilang pisngi. Muli siyang sinampal ng kawal at pagkatapos ay pakutyang tinawanan ang pari. Tinitigan siya ng pari at sinabing: "Ginoo, natupad na ang nakasulat sa Kasulatan…." Sabay suntok sa sundalo! hehehe… Totoo nga naman na mahirap ang magbigay ng patawad. Hindi kasi normal yun! Ang sabi nga ng batas sa Lumang Tipan: mata sa mata, ngipin sa ngipin! Mahirap magpatawad lalo na’t naargabyado ka. Ngunit si Jesus sa Ebanghelyo ay hindi lamang nakuntento sa pagpapatawad… Hinigitan pa niya ito ng kanyang sinabing: "Mahalin mo ang kaaway mo…" Kabaliwan! Paano natin mamahalin ang kaaway natin? Pero ito naman talaga ang hinihingi ng Ebanghelyo… mahigitan natin ang normal na uri ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating mga kaaway. Hindi ganoon kadali sapagkat nangangahulugan ito na dapat nating makita ang mukha ni Kristo sa ating mga kaaway. Kaya mo ba ito?