PAGKABABOY: Reflection for the 5th Sunday in Ordinary Time Year C - February 4, 2007

Merong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na nagpapayabangan kung sino sa kanila ang may "pinakamay-silbi" sa buhay ng tao. Sabi ng manok, "Sa palagay ko ay ako… sapagkat, walang palya kung magbigay ako ng itlog sa mga tao." Sagot ng baka: "May hihigit pa ba sa sariwang gatas na ibinibigay ko araw-araw?" Tahimik ang baboy. Di nga naman siya nangingitlog… at lalong di s’ya nagbibigay ng gatas (ewan ko kung nakatikim ka ng ng gatas ng baboy? hehehe…) pero dahil "year of the pig" di dapat s’yang matalo kaya sabi nya… "Ako… ang kaya ko lang bigay ay ang aking buong pagkababoy… ang aking karne at dugo!" Ang tawag dyan sa ingles ay "total commitment". Ito rin ang ibinigay ng mga mangingisdang sina Simon, Juan at Santiago. "They… left everything and followed him." Ang pagtawag ni Jesus ay para rin sa ating lahat. Tinatawagan tayong "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano. Tandaan mo… Hindi ka pupunta sa langit o sa impiyerno na nag-iisa… lagi kang may isasama… Saan mo sila dadalhin?