TUKSO : Reflection for the 1st Sunday of Lent, Year C - February 25, 2007

Isang matandang pari ang nagsesermon sa Misa tungkol sa tukso: "Kaming mga pari, pag umabot na sa 60 years old… ay hindi na tinatablan ng tukso." Sa sandaling iyon ay biglang may pumasok sa simbahan na seksing babae na maganda at maputi. Napalingon ang pari at sabay sabi: "Ngunit sa aking palagay ay maari pa itong pag-usapan… hanggang 70 siguro." Hay naku! Sino ba naman ang hindi tinatablan ng tukso… kahit sino puwede… Si Jesus nga tinukso rin ng diyablo e! Ang pagtutungaling ito ng mabuti at masama ay nasa ating lahat. Sabi nga ni San Pablo: "Hindi ko maintindihan ang sarili ko… ang mabuti na dapat kong gawin ay di ko ginagawa… at ang masama naman na dapat kong iniiwasan ang siyang ginagawa ko." Pero hindi ito dahilan upang magpatalo tayo sa tukso. Ang unang Linggo ng Kuwaresma ay nagpapaalala sa atin ng dalawang paraang maari nating gamitin upang labanan ang tukso… panalangin at pag-aayuno. May panahon pa ba ako para magdasal? Kaya ko bang gumawa ng sakripisyo upang madisiplina ang aking sarili? Pag-isipan natin…