PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for March, 2007


GOOD FRIDAY: Reposted Reflection for Good Friday - April 6, 2007

Bib1002
Bakit "Good Friday" ang tawag sa araw na ito?  Bakit sa ibang araw ng
Holy Week ang tawag ay "Holy"?  (Holy Monday, Holy Tuesday, etc…)
What is so good today?  Today is really "good" Friday for three
reasons:  First, today we see the ultimate goodness of God.
Kakatapos ko palang panoorin ang "The Passion of the Christ" sa aming
Simbahan at mas lalo akong nakumbinsi na talagang mahal ako ng Diyos.
Parang ramdam ko ang bawat sugat ni Jesus… sugat na tanda ng kanyang
pagmamahal sa ‘kin!  I felt my unworthiness in front of God because of
my sinfulness… Second, today is "good" because today, good triumphed over evil…
Sa pagkamatay ni Hesus ay tinalo Niya ang kasamaan at kasalanan!  Kaya
pala sa palabas ay humiyaw ng malakas ang demonyo pagkatapos
maisakatuparan ni Jesus ang pagkamatay sa Krus. Sinunod Niya ang
kalooban ng Ama at dahil dito ay nailigtas tayo sa kasalanan. Third reason is because we are commissioned to be good people and to do good deeds to others…  Mabuti
tayo sapagkat buhay ni Jesus ang ginamit Niya upang tayo ay maligtas.
At nais din N’yang ibahagi natin ang kabutihang ito sa iba…  let us
also be bearers of His Goodnews!  So.. we have all the reason to call
this day… GOOD…  AND LET US TRY TO BE GOOD STARTING TODAY…

SIMPLE LANG (2) : Reposted Reflection for Holy Thursday (Mass of the Lord’s Supper) - April 5, 2007

Cat1003
Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking
magulang bago kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa
palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa… (parang commercial
ng safeguard eh! hehehe) Pero di ata ako tinuruan na maghugas ng paa
bago kumain! Parang weird yun! hehe… Bago ganapin ni  Hesus ang
"huling hapunan" ay  iniutos ito ni Hesus sa kanyang mga alagad!  Ang
mas weirdo… si Hesus mismo ang naghugas sa paa ng kanyang mga
alagad.  Haller…!  Si Hesus ang bigboss nila no?  Bakit siya ang
naghugas?  May nais paratingin sa atin ang Panginoon… nais mong
maging leader?… matuto kang maglingkod!  Nais mong maging dakila?…
Matuto kang magpakumbaba!
Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa
kontexto ng Eukaristiya… Ano ba ang Eukaristiya…? Simple lang,
tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at
ibinigay sa mga alagad… Ngunit tinapay din na naging katawan ni
Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at dahilan ng ating kaligtasan!

AKO ANG BAHALA (2) : Reposted Reflection for Holy Thursday - April 5, 2007

Cat1001_1
Huwebes Santo na naman!  Gigising na naman ako ng 4:00 ng madaling
araw.  Magmamadali para maabutan ang pasimula ng Misa sa Cathedral!
Nakakaantok… ang sarap pang matulog!  Ngunit kailangan kong tumayo at
magsipilyo na (at siyempre maligo!)  Espesyal kasi ang araw na ito para
sa aming mga pari… araw namin ito… araw na kung saan ay muli naming
papanibaguhin ang aming pangakong paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
Sa araw na ito ay kokonsekrahan ang langis na ginagamit sa binyag at
ibinibigay sa maysakit.  Kung paanong kaming mga pari naman ay
sinasariwa rin ang consecration na ginawa ng Diyos sa amin.  Pagkatapos
ng halos sampung taong pagkapari ay mas lalo ko pang nararanasan ang
aking hindi pagigiging karapat-dapat.  Napakaraming pagkakamali.
Napakaraming pagkukunwari.  Napakaraming pagwawalang-bahala sa kanyang
walang-hanggang pag-ibig!  Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang Kanyang
pagtitiwala sa akin…
"Lord… hanggang kailan kita masasamahan?"  Sinagot Niya ako… "Hindi mo problema yan… ang dapat mo lang gawin ay sumunod at magtiwala…  AKO NA ANG BAHALA!"

HOSANNA! : Reflection for Palm / Passion Sunday Year C - April 1, 2007

Bib1027
Araw ngayon ng Palaspas o Palm Sunday.  Buhay na naman ang industriya ng paggawa ng dekoratibong palaspas na kalimitan ay nagiging dekorasyon na lang sa bahay!  Sa iba, ito raw ang kanilang panangga sa mga masamang espiritu at aswang upang hindi pasukin ang kanilang bahay.  Sa iba naman… lucky charm ang palaspas, nagdadala ng suwerte sa buhay… walang pinagkaiba sa  estatwang pusang ginto na kumakaway… hehehe.  Marahil dapat na nating itama ang mala-pamahiin na paniniwalang ito.  Ginamit ang palaspas (na noon ay mga dahon ng olibo) sa pagsalabong kay Jesus noong sya ay pumasok ng Jerusalem habang sumisigaw sila ng "Hosanna sa Anak ni David!"  Isang maringal na pagsalubong na mauuwi sa paghahatol kay Jesus ng kamatayan at mapapalitan ng sigaw na "Ipako siya sa Krus!"  Isang magandang paalala sa ating lahat sa ating pagpapatotoo bilang Kristiyano.  Kung minsan "ningas-kugon" ang ating pagtanggap kay Jesus.  Nakikisaya tayo sa kanya kapag "maganda" ang takbo ng ating buhay… ang dali magsabi ng "Hosanna!" Ngunit kapag medyo naging "pangit" ang takbo nito ay madali nating hinuhusgahan ang Diyos! Kalimitan nating naririnig: "Nagdadasal naman ako… nagsisimba naman ako… di naman ako nakakalimot sa Kanya… pero bakit Niya kami pinabayaan? "  Tandaan natin na ang ating Diyos ay di lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan.  Ang daang pinili Niya ay ang daan ng krus… kaya’t wag tayong magugulat kung dumarating sa ating buhay ang paghihirap…. sana makasigaw pa rin tayo ng "Hosanna!" at hindi parating "Ipako Siya sa Krus!"  Sa pagpasok ng "Holy Week" salubungin natin ang Panginoon ng may malinis at mapagpasalamat na puso.  (for additional reflection read the blog of April 9, 2006 "Mahal o Banal na Araw?")

BINGI SA PAGKAKAMALI: Reflection for the 5th Sunday of Lent, Year C - March 25, 2007

Bib1114
Minsan pinagkumpisal ng pari ang kanyang sakristan sa paghihinalang kinukupit nito ang mga koleksyon sa misa.  Sumunod naman ang sakristan, ikinumpisal lahat ang kasalanan maliban sa pangungupit.  Kaya’t sinabi ng pari sa kanya: "Mukhang me nakalimutan ka atang sabihin… kikukupit mo ba ang koleksyon sa misa?"  Sumunod ang isang mahabang katahimikan.  Nainis na ang pari kaya siya ay lumabas sa kumpisalan at sinabi sa nakaluhod na sakristan.  "Ano?  bingi ka ba? Hindi mo ba ako narinig?  Tinatanong kita kung kinukupit mo ang koleksyon!"  Sagot ng bata: "Wala po akong marinig dito padre."  Sabat ng pari: "Kalokohan, palit tayo ng lugar, ikaw ang maupo sa loob ako dito sa labas… magsalita ka."  Nagsalita ng sakristan mula sa loob ng kumpisalan: "Father, bakit hindi pa ninyo ako sinusuwelduhan, yung SSS ko wala pa, yung health benefits ko wala pa rin… at saka sino yung babaeng laging pumupunta sa kumbento?"  Sagot ng pari: "Iho, tama ka nga… wala akong naririnig dito…" hehehe… Kung minsan bingi tayo sa ating sariling pagkakamali. Napakadaling husgahan ng iba ngunit di naman natin makita ang ating sariling pagkakasala. Ito ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba… tingnan muna natin ang ating mga sarili:  "Let the man among you who has no sin be the first to cast a stone on her." Wala ni isang naiwan sa mga humuhusga sa babae… lahat ay umalis.  Ang Diyos natin ay Diyos na mapagpatawad… hindi Diyos na mapanghusga. "Neither do i condemn you… go and sin no more!" Pasalamatan natin Siya at ipakita na tatalikuran na natin ang kasalanan at magbabagong buhay!

NALAGLAG SA TULAY (Part 2): Reflection for the 4th Sunday of Lent, Year C - March 18, 2007

Bib1015_1
Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling.  Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapakumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling… kuliling…" ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan.  Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan.  Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang  gagawin ng pari.  Dalawampung minuto na ang nakalipas… walang kuliling.  Tatlumpu… apatnapu… wala pa rin.  "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao.  Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling.  Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali… "boom! boom! boom!…."  Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos.  Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang  nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi.  Ang talinhaga ay angkop na pamagatang "The parable of the Prodigal Father" imbis na "Prodigal Son"  sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak.  "prodigal" o alibugha ang tatay sapagkat hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad.  Ganyang kabuti ang ating Diyos… Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak! ‘Yan ang tunay na "Good News!"

NALAGLAG SA TULAY: Reflection for the Third Sunday of Lent, Year C - March 11, 2007

Cat1017"
Ang ‘Barrio Sirang Tulay’ ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery".  Ang matandang paring naassign doon ay mayroon ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n’ya yon. Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit.  Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!"  Di makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay.  Hanggang sa ang asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay.  Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho.  "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin?  And daming nalalaglag!  Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan.  Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa… ang asawa mo… nalaglag rin sa tulay!"  hehehe…  Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, bisyo… etc.  Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag.  Ang Diyos laging may second chance… third… fourth… fifth… Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan.  Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga… ngunit ang Panginoon ay nagtityaga sa atin.  Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin. "Be patient for God is patient with you!"

NO PAIN… NO GAIN! : Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year C - March 4, 2007

Cat1025
Sabi ng isang text… "Ang edukasyon ang pintuan ng tagumpay… at ang pangongopya ang susi!"  hehehe… Ewan ko ba kung bakit ganun ang takbo ng isip ng mga kabataan ngayon.  Gustong makakuha ng mataas na grade sa exam ayaw namang mag-aral. Gustong makagraduate sa pag-aaral ayaw namang magsikap.  Puede ba yun?  Sabi nga ng isang caption: "No pain no gain!" Totoo nga naman, bale wala ang tagumpay kung hindi mo pinagsumikapan… pinaghirapan…  May tagumpay na darating sa kabila ng paghihirap.  Ito ang mensahe ng Panginoon sa ting ebanghelyo ngayong ikalawang Linggo ng kuwaresma.  Isinama Niya sa bundok ng Tabor ang tatlong alagad upang paalalahanan sila na Siya ng hinirang na Anak ng Diyos Ama… na Siya ang katuparan ng Kautusan at ng mga Propeta.  Nagbagong anyo Siya sa kanilang harapan upang palakasin ang kanilang kalooban sa sandaling masaksihan nila ang paghihirap ng Mesiyas.  May muling pagkabuhay sa kabila ng Kanyang paghihirap at kamatayan.  May liwanag na naghihintay pagkatapos ng dilim. Hindi ba ganito rin sa ating buhay?  Hindi mawawala ang mga sandali ng kadiliman ngunit pasasaat darating din ang liwanag.  Kahit gaano kadilim ang gabi ng ating buhay ay mayroong umagang naghihintay.  Sapat lang na magtiwala tayo sa Kanya… at makakamit din nating lahat ang gantimpala ng kaluwalhatian!