AKO ANG BAHALA (2) : Reposted Reflection for Holy Thursday - April 5, 2007

Huwebes Santo na naman! Gigising na naman ako ng 4:00 ng madaling
araw. Magmamadali para maabutan ang pasimula ng Misa sa Cathedral!
Nakakaantok… ang sarap pang matulog! Ngunit kailangan kong tumayo at
magsipilyo na (at siyempre maligo!) Espesyal kasi ang araw na ito para
sa aming mga pari… araw namin ito… araw na kung saan ay muli naming
papanibaguhin ang aming pangakong paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
Sa araw na ito ay kokonsekrahan ang langis na ginagamit sa binyag at
ibinibigay sa maysakit. Kung paanong kaming mga pari naman ay
sinasariwa rin ang consecration na ginawa ng Diyos sa amin. Pagkatapos
ng halos sampung taong pagkapari ay mas lalo ko pang nararanasan ang
aking hindi pagigiging karapat-dapat. Napakaraming pagkakamali.
Napakaraming pagkukunwari. Napakaraming pagwawalang-bahala sa kanyang
walang-hanggang pag-ibig! Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang Kanyang
pagtitiwala sa akin… "Lord… hanggang kailan kita masasamahan?" Sinagot Niya ako… "Hindi mo problema yan… ang dapat mo lang gawin ay sumunod at magtiwala… AKO NA ANG BAHALA!"