BINGI SA PAGKAKAMALI: Reflection for the 5th Sunday of Lent, Year C - March 25, 2007

Minsan pinagkumpisal ng pari ang kanyang sakristan sa paghihinalang kinukupit nito ang mga koleksyon sa misa. Sumunod naman ang sakristan, ikinumpisal lahat ang kasalanan maliban sa pangungupit. Kaya’t sinabi ng pari sa kanya: "Mukhang me nakalimutan ka atang sabihin… kikukupit mo ba ang koleksyon sa misa?" Sumunod ang isang mahabang katahimikan. Nainis na ang pari kaya siya ay lumabas sa kumpisalan at sinabi sa nakaluhod na sakristan. "Ano? bingi ka ba? Hindi mo ba ako narinig? Tinatanong kita kung kinukupit mo ang koleksyon!" Sagot ng bata: "Wala po akong marinig dito padre." Sabat ng pari: "Kalokohan, palit tayo ng lugar, ikaw ang maupo sa loob ako dito sa labas… magsalita ka." Nagsalita ng sakristan mula sa loob ng kumpisalan: "Father, bakit hindi pa ninyo ako sinusuwelduhan, yung SSS ko wala pa, yung health benefits ko wala pa rin… at saka sino yung babaeng laging pumupunta sa kumbento?" Sagot ng pari: "Iho, tama ka nga… wala akong naririnig dito…" hehehe… Kung minsan bingi tayo sa ating sariling pagkakamali. Napakadaling husgahan ng iba ngunit di naman natin makita ang ating sariling pagkakasala. Ito ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba… tingnan muna natin ang ating mga sarili: "Let the man among you who has no sin be the first to cast a stone on her." Wala ni isang naiwan sa mga humuhusga sa babae… lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mapagpatawad… hindi Diyos na mapanghusga. "Neither do i condemn you… go and sin no more!" Pasalamatan natin Siya at ipakita na tatalikuran na natin ang kasalanan at magbabagong buhay!