MAHAL MO BA AKO? : Reflection for the 3rd Sunday of Easter, Year C - April 22, 2007

"Isang hari na mahal na mahal ng kanyang mga nasasakupan ang nangailangan ng isang heart transplant. Sapagkat malubha ang kanyang karamdaman kaya’t napiltang ipatawag ang lahat ng nasasakupan ng kanyang kaharian. "Sino sa inyo ang nais mag-alay ng kanyang ‘puso’ sa mahal na hari? Nangangailangan siya ng heart transplant." Nagtaasan ang maraming kamay upang ipakita ang kanilang pagmamahal sa hari. "Sapagkat marami ang nagvolunteer, ibabagsak ko ang pakpak ng ibon na ito. Ang sino mang tamaan nito ang siyang mag-aalay ng kanyang puso para sa hari!" Ibinagsak ang pakpak ng ibon at ng papalapit na sa ulunan ng mga tao ay narinig ang "phew!… phew!… phew! Kanya-kanyang ihip sa ang mga tao wag lamang tamaan ng pakpak ng ibon! Karaniwang madali ang magsabi ng "mahal kita" o "naniniwala ako" sa yo ngunit mahirap ang isabuhay ito lalo na’t nangangailangan ito ng sakripisyo. Ito rin ang naging karanasan ni Pedro nung nagsabi syang handa nyang isakripisyo ang kanyang buhay para kay Jesus. Ngunit ng hiningi na ng pagkakataon ang pagpapahayag ng kanyang pagmamahal ay tatlong ulit n’yang itinatwa si Jesus. Kaya marahil tatlong ulit ding tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal ba siya nito. Tatlong ulit ding sumagot si Pedro ng "Oo, Panginoon… alam mong mahal kita!" Ibang Pedro na ang sumagot kay Jesus. Isang alagad na naniwala na si Jesus ay muling nabuhay at dahil dito naipahayag niya ang kanyang pagmamahal at katapatan. "Pakanin mo ang aking mga tupa!" ang sabi ni Jesus bilang sagot niya kay Pedro. Ito rin ang tanong sa atin ni Jesus: "Mahal mo ba ako?" "Kung talagang mahal mo ako pakanin mo ang aking mga tupa!" Ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay dapat magtulak sa atin na mahalin din ang ating kapwa. Ito ang "sakripisyonga" hinihingi ng kanyang pagmamahal. Lalo na kung ang mamahalin natin ay ang ating mga kaaway…mga taong may sama tayo ng loob… "Mahal mo ba ako?"