ANG ESPIRITUNG BANTAY : Reflection for the Solemnity of Pentecost, Year C - May 27, 2007

Isang bata na may
bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish
Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father,
puwede ko po bang ipark dito ang bike ko… kasi po baka mawala. Bagong-bago pa
naman yan!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala
ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo
Father?" nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari
at sinabi: "Sigurado ako! Babantayan yan ng Holy Spirit kaya’t
walang magnanakaw niyan! Kung gusto mo magdasal tayo…" "Sige
po Father… In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang
ata sa dasal mo… bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag
na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko!"
Totoo nga naman, ang Espiritu Santo ang
nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang ng ito ay itinatag. Sa
katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan! Ipinanganak
ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa
kanya. Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong
buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto
ba S’ya sa buhay mo ngayon? Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya,
hingin mo ang tulong Niya. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na
kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang
pagmamahal. "Come, Holy Spirit fill the hearts
of your faithful and kindle in them the fire of your love…"